Marami ang nahahalina sa ganda ng Pikaw falls sa Bakun, Benguet. Pero ang angkin nitong ganda, may dalang panganib na naranasan ng magpipinsan na namasyal sa lugar matapos dumalo sa libing ng kanilang lolo.
Dahil minsan lang magkasama-sama ang magpipinsan, naisipan muna nilang maligo sa talon matapos ang libing ng kanilang lolo.
Umaambon na raw nang sandaling iyon at dakong 2:00 pm nang marating nila ang Pikaw falls, at agad silang naengganyong maligo dahil sa napakalinaw at payapa nitong tubig.
Pero nang lumakas na ang ulan, napansin na nila ang pagraga ng tubig na bumabagsak mula sa talon.
Ang mga tsinelas at sapatos nila na nakalagay sa mga bato, tinangay na ng malakas na agos.
At dahil nasa kabilang bahagi sila ng talon, tuluyan na silang na-trap dahil hindi na sila makatawid nang lamunin na rin ng rumaragasang tubig ang mga bato na kanilang dating tinutungtungan.
Nang unti-unti nang kumagat ang dilim, nagpasya ang magpipinsan na maghanap na lugar na puwedeng tawiran, hanggang sa makita nila ang isang malaking bato.
Ngunit may malaking pagsubok silang kailangang gawin--ang tumalon mula sa malaking bato para makarating sa kabilang bahagi ng daluyan ng agos. Pero sa isang malaking pagkakamali at sakaling madulas, babagsak sila sa rumaragasang tubig at malaki ang posibilidad ng kapahamakan.
Makaligtas kaya ang magpipinsan? Tunghayan ang makapigil-hininga nilang karanasan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News