Nadiskubre ng mga local diver sa karagatan ng Sebaste sa lalawigan ng Antique ang ilang metrong hilera ng katangi-tanging bowl corals.
Ayon sa grupo ng divers na tinawag na Samurai Sabad Extreme, nagsasagawa sila ng diving sa Sebaste Shoals nang hindi nila inaasahan ang pambihira nilang nadiskubre.
Kinunan nila ng larawan ang naturang corals at ipinasuri naman kay Haron Deo Vargas, isang marine biologist ng Department of Environment and Natural Resources.
Kinumpirma naman ni Vargas na bowl corals nga ang nasa larawan na may scientific name na Halomitra Pileus.
Kakaiba daw ang naturang mga corals kaya pinag-aaralan pa ni Vargas ang mga impormasyon hinggil dito.
Dahil sa pagkakadiskubre ng bowl corals, susuyurin pa nila ang ibang bahagi ng karagatan sa Antique at umaasang makakadiskubre pa ng mga kakaiba pang mga marine species doon.--Jun N. Aguirre/FRJ, GMA News