Ang dating padala-dalawa o tatlong stick ng sigarilyo sa isang araw, naging kaha-kaha nang magkaroon ng lockdown. Tunghayan ang kuwento ng isang lalaki na itinabi ang nasa 200 kaha ng sigarilyo na kaniyang naubos bilang paalala nang tumindi ang pagkalulong niya sa yosi.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Florente Monghit, 38-anyos, nagtatrabaho siya noon sa isang engineering firm nang magpasya siyang magbitiw upang magtrabaho sa ibang bansa.
Lumuwas siya sa Maynila nitong nakaraang Marso para asikasuhin ang kaniyang pag-aabroad nang abutan siya ng lockdown. Dahil kain at tulog lang daw ang kaniyang ginagawa at stress, dito na nagsimulang tumindi ang kaniyang bisyo sa yosi.
Ang pera na dapat na ipadala sa pamilya sa probinsiya, nagagastos din daw niya sa kaniyang bisyo.
Nang magdesisyon na siyang umuwi na sa probinsiya, kinailangan niyang sumailalim sa quarantine period kung saan bawal ang yosi.
Kaya naman nasubok sa quarantine facility ang tatag niya na hindi mag-yosi at unti-unting napagtanto ang mga masayang na pera sa naturang bisyo.
Pumasok na rin sa isip niya ang epekto sa kaniyang kalusugan ng labis na paninigarilyo dahil ang isa sa mga tatamaan nito ay baga, na siya ring pinupuntirya ng COVID-19.
May pag-asa pa kayang si Florante na tuluyang talikuran ang labis na pagkalulong niya sa sigarilyo at anu-ano nga ba ang mga sakit na maaaring makuha sa paninigarilyo? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News