Mas matimbang ang puso ng Panginoon sa mga mahihirap. (Luke 6:20-26)

------------------

Mahilig akong manood ng mga pelikulang Pilipino, kabilang na ang mga drama na sa umpisa ay inaapi at inaalipusta ang bidang mahirap.

Subalit kinalaunan sa pelikula, sa kung anumang dahilan ay may tutulong sa bida para makabawi siya at aasenso sa buhay. Hanggang sa ang dating inaapi ay magtatagumpay.

Sa Mabuting Balita (Lk. 6:20-26), ito ay patungkol din sa mga taong nasa ibaba ng lipunan, mga maralitang napapabayaan, mga taong nagugutom at walang ibang makapitan kung hindi ang pananalig sa Panginoong Diyos.

Subalit hindi gaya sa mga pelikula, hindi itinuturo sa Ebanghelyo na kailangang maghiganti para makabangon sa dinadanas na kaapihan.

Hindi ganito ang mensaheng nais iparating ni Jesus nang ipahayag niya sa kaniyang mga Disipulo na, "Mapalad kayong mga mahihirap dahil para sa inyo ang Kaharian ng Diyos."

Ipinapahiwatig ni Jesus na pinagpapala ng Diyos ang mga taong inaapi, naghihirap at napapabayaan ng lipunan dahil mas higit silang kinalulugdan ng ating Amang nasa Langit.

Kaya nakatitiyak tayong hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang mga taong nagsisikap mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Sa kabila ng kanilang kahirapan ay nagtitiyaga silang namuhay nang parehas sa halip na manlamang sa kanilang kapwa.

Matatapos din ang panahon ng pagdadalamhati at paghihinagpis.  Kaya may mga dating mahihirap ang umaasenso sa buhay dahil tinulungan sila ng Diyos upang makabangon. Kailangan lamang na magtiwala sa kanyang kapangyarihan at kadakilaan.

May mga mahihirap ang naiinggit sa mga mayayaman. Ang iniisip nila: "Sana maging mayaman din ako, sana ganyan din kalaki ang bahay namin."

Ang hindi nila alam, may mga mayayaman din ang naiinggit sa mga mahihirap at nasasabi nila sa kanilang sarili na: "Mabuti pa ang mga mahihirap, buo at masaya ang kanilang pamilya. Sama-samang silang kumakain kahit sardinas lang ang kanilang ulam."

Bakit kaya may mga mayayaman na naiinggit sa mga mahihirap samantalang nasa kanila na ang lahat? Dahil hindi nabibili ng salapi ang tunay na kasiyahan at kapanatagan ng puso at isipan.

Mayaman at malaki nga kanilang mala-palasyong bahay pero walang pagkakaisa. Masarap nga ang nasa kanilang hapag-kainan pero hindi naman sila sabay-sabay na masayang nagkukuwentuhan sa harap ng biyaya ng Panginoon.

Kung minsan, ang kayamanan pa ang ugat ng kanilang pag-aaway. Hindi nag-uusap ang magkakapatid; walang oras ang mga magulang sa kanilang mga anak; laging wala sa bahay si ama dahil subsob sa negosyo; laging umaalis ang ina para magliwaliw; at ang mga anak, nalulong sa kung ano-anong masamang bisyo.

Dahil sa pagiging abala nila sa karangyaan, nakalimutan na nilang may Panginoon Diyos na dapat alalahanin.

Kung ganito ang buhay ng isang pamilyang mayaman, dapat ba itong kainggitan ng mga mahihirap? Ang pagpapalang binabanggit ng Panginoon sa Ebanghelyo ay hindi pagpapalang sagana sa mga materyal na bagay kundi pagpalalang sagana sa biyaya ng Diyos. Isang pamumuhay na tahimik at may kapanatagan.

Malugod tayong mga mahihirap at inaapi sapagkat tinitiyak sa atin ng Panginoong Diyos na sa bandang huli, makakabawi rin tayo, iaahon Niya tayo.

Huwag tayong mawawalan ng pag-asa kung nakararanas ng paghihirap. Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na magsumikap at samahan ng panalangin na tayo'y Kaniyang alalayan sa ating pagbangon sa buhay. 

AMEN.

--FRJ, GMA News