Apat na taon na raw pagala-gala sa San Francisco, Southern Leyte ang isang lalaking palaboy na may sakit sa pag-iisip. Pinangalanan ng mga tao sa lugar ang palaboy bilang si "Rolly."
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasa pangangalaga ngayon ng kapulisan ng San Francisco si Rolly.
Hindi naman daw ito bayolente o marahas si Rolly at tanging pagkain lang ang kaniyang hinihingi.
Dahil naawa ang mga tao at gusto nilang makabalik si Rolly sa kaniyang pamilya, ipinost nila sa social media ang larawan nito.
Kaagad namang may tumugon sa panawagan tungkol kay Rolly at hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi tatlo, ang nagpahayag ng paniniwala na ang palaboy ay ang nawawala nilang mahal sa buhay.
Ang tatlong pamilya, nagsasabing malaki ang pagkakahawig ni Rolly sa nawawala nilang kaanak.
Ang isang ginang na taga-Rizal, naniniwala na si Rolly ay ang mister niyang si Nomer, na 10 taon nang nawawala.
Sa Davao City naman, isang babae ang naniniwala na ang palabaoy ay kaniyang kapatid na si Quirino na walong taon nang nawawala mula nang pumalaot.
Sa Leyte, naniniwala naman ang isang babae na si Rolly ay ang pinsan niyang si LA, na may tatlong taon nang nawawala. Nagtungo raw ito sa Maynila pero kinalaunan ay napansin nila nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang ang pag-iisip.
Isa nga kaya kina Nomer, Quirino at LA si Rolly? Ano ang mga pisikal na palatandaan nila para mapatunayan na ang lalaking palaboy ay ang kanilang nawawalang kaanak. Panoorin ang kasagutan sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News