Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa ay hindi maaaring paghiwalayin.

Napakaraming batas ang umiiral sa ibabaw ng mundo. Subalit may hihigit pa ba sa batas ng Diyos? 

Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Matt. 22:34-40)  tungkol sa pagtatanong ng isang Pariseo kay Jesus kung alin sa Jewish Law ang pinakamahalaga.

Ang Sampung Utos ng Diyos ay binuod sa dalawang napaka-importanteng batas alinsunod sa naging paliwanag ni Jesus sa Pariseo: Ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.

Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito. Laging itong magkasama batay na rin sa ilang talata na mababasa sa Bibliya.

"Magmahalan tayo sapagkat una tayong minahal ng Diyos. Kung sinasabi nating mahal natin ang Diyos pero napopoot naman tayo sa ating kapatid, mga sinungaling tayo. Papaano nating mamahalin ang Diyos kung ang kapatid natin ay hindi natin kayang mahalin?" (1 John: 19-20).

Ano ang magiging silbi ng ating pag-ibig kung kulang ito ng isang bahagi? Ito man ay maging sa pag-ibig sa Diyos o sa ating Kapwa.

Si Jesus ang pinag-uugatan ng pag-ibig kaya paanong mapaghihiwalay ang pag-ibig sa Diyos at sa ating Kapwa.

Siya ang sentro at inspirasyon ng lahat ng pag-ibig sapagkat sukdulan ang pag-ibig na ibinigay Niya para sa atin. Inialay Niya ang sarili at nagpapako sa krus upang maligtas tayo sa ating mga kasalanan.

Ngunit ngayon, parang hindi natin masyadong nakikita at nararamdaman na mayroong pag-ibig ang tao sa isa't isa. Ito ay sa kadahilanang walang pag-ibig sa puso ng ilang tao para sa Diyos at sa kaniyang kapwa.

Walang nararamdamang pag-ibig ang isang tao sa Diyos dahil mas nangingibabaw sa kaniya ang pag-ibig sa materyal na bagay. Mas pinahahalagahan ang kayamanan sa lupa. Nawawalan din ng pag-ibig sa kapwa ang isang tao dahil mababa ang pagtingin niya sa iba. 

Magkakaroon lamang ng katuturan ang isang pag-ibig kung ang pag-ibig natin sa ating kapwa ay gaya ng pag-ibig natin sa Diyos. At magkakaroon ng kabuluhan ang pag-ibig natin sa Diyos kung magagawa nating mahalin at kahabagan ang ating kapwa.

Ipinadama ng Panginoon ang labis na pag-ibig niya sa atin, ibalik natin ito sa pamamagitan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa isa't isa.

Amen.

-- FRJ, GMA News