Ang itinapong kemikal ang itinuturong pinagmulan ng dambuhalang bula na may masangsang na amoy sa Tuy, Batangas nitong Miyerkules.
Batay sa impormasyon mula sa Tuy Municipal Police Station nitong Huwebes, sinabing dalawang tao na pinaniniwalaang nagtapon ng kemikal ang inaresto sa Barangay Bayudbud.
Kinilala ang mga inaresto na sina Romano Cabrera, 46-anyos; at Mark Anthony Austria, 38.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang barangay tungkol sa mga suspek na nagtatapon umano ng kemikal sa sapa noong Miyerkules.
Nang puntahan daw ng mga kagawad ng barangay ang lugar, nakita nila ang dalawa na naglilinis na ng 16 na drum na pinaglagyan ng kemikal.
Mahaharap umano sa kaukulang reklamo ang mga suspek.
Bagaman maputi ang bula na nilikha ng kemikal sinasabi ng mga residente na masangsang ang amoy nito at ilang isda rin sa sapa ang nakitang namatay.—FRJ, GMA New