Isang malaking opah o moonfish na bihirang magpakita dahil laging nasa kailaliman ng dagat ang nahuli ng isang mangingisda sa Oras, Eastern Samar.
Ayon kay YouScooper Ranilo Ebron, nakita sa mababaw na bahagi ng dagat ang moonfish at nahuli ng isang lokal na mangingisda.
Kaagad naman daw ibinenta ang opah sa palengke.
Sa isang artikulo ng National Geographic, nakasaad na bihirang makita ang moonfish kaya limitado pa ang alam na detalye tungkol sa pag-uugali ng dambuhalang isda na kadalasang nananatili umano sa ilalim ng dagat.
Masarap din umano ang karne nito kaya may kamahalan ang presyo.
Ayon naman sa National Oceanic and Atmospheric Administration Fisheries, kayang manatili ng mga moonfish sa lalim na mula 150 hanggang 1,300 feet.
Hinala ng mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources - Eastern Visayas, posibleng may kinalaman ang nangyaring magnitude 6.6 na lindol sa Masbate at nabulabog kaya umahon ang moonfish kaya nahuli ng mangingisda.--FRJ, GMA News