Matapos na ianunsiyo ni Willie Revillame na magbibigay siya ng P5 milyong bilang tulong sa mga jeepney driver na nawalan ng trabaho, ilang tsuper umano ang nagtungo sa Wil Tower kung saan ginagawa ang programa ng "Wowowin-Tutok To Win."
Pero paliwanag ni Kuya Wil, may prosesong gagawin kung papaano maibibigay sa mga jeepney driver ang ibibigay niyang tulong kaya pinayuhan niya ang mga tsuper na huwag pumunta sa Wil Tower.
"Sa lahat po ng mga samahan ng drivers, 'yun pong mga namamalimos sa buong Pilipinas ho 'yan, inaayos na po namin ng aming lawyers at lawyers ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board)," sabi ni Kuya Wil sa Wowowin-Tutok To Win.
Ipadadaan umano ang mga tulong sa mga lider ng mga jeepney driver.
"Kasi ho kailangan ho ito may proseso. Tatawagan po namin ang mga lider niyo para sila po ang magbibigay ng pinagkaloob kong P5 milyon. 'Yun pong P5 milyon sana po ay pagdamutan niyo na, pasensiyahan niyo na, 'yan muna ho ang maibibigay namin kasi sa tingin ko kailangan ho mabigyan muna kayo pambili niyo ng kailangan, bigas, pangkain at siyempre wala kayong mga biyahe ngayon," pahayag ng TV host.
Sabi pa ni Kuya Wil, dati rin siyang 'barker' sa Caloocan City at naglinis ng jeep kaya nauunawaan niya ang kanilang nararamdaman.
"Huwag po kayong pumunta sa Wil Tower, wala kayong makukuha dito, hindi ho. 'Yung ibang jeepney drivers nagpunta po dito kagabi, kahapon, huwag ho, hindi niyo ho makukuha dito 'yan, sa tamang mga tao po," paliwanag niya.
Kasabay nito, may mensahe rin siya sa kaniyang mga kritiko at wala raw siyang sama ng loob sa mga taong iba ang opinyon sa kaniya.
"Walang samaan ng loob dito. Kung anong tapon niyo sa akin, pagbalik ko sa inyo pagmamahal. We will kill you with love," nakangiti niyang sabi.
Ang naturang pahayag ni Kuya Wil ay tungkol sa isang lumabas na artikulo na nagsasabing nang-hijack o inagaw umano niya ang press briefing ng Malacanang noong nakaraang linggo na ginawa sa Wil Tower, kung saan ginagawa rin ang "Wowowin-Tutok To Wil."
Nauna nang ipinaliwanag ni Kuya Wil na tinulungan lang niya si presidential spokesperson Harry Roque na gawin sa Wil Tower ang press briefing dahil sarado noon ang mga news studio ng pamahalaan dahil may mga kawani na nagpositibo sa COVID-19--FRJ, GMA News