Hindi tulad ng tao, hindi mapanghusga ang Diyos. Bagkos ay walang sawa niya tayong inuunawa at minamahal. Hindi siya tumitingin sa ating mga pagkakasala kundi sa nilalaman ng ating puso. (Mt. 7:1-5).
Bahagi na yata talaga ng buhay ng isang tao ang pagiging mapanghusga. Ito ay sa mga pagkakataong mayroon tayong komento at puna sa lahat ng mga bagay na ating na-e-engkuwentro sa buhay.
Gaya halimbawa sa pag-aasawa, kapag ang mapapangasawa ng ating kaibigan, kapatid o kamag-anak ay hindi kaguwapuhan o kagandahan, mayroon na agad tayong puna o pintas.
Sinasabi natin: "Bakit iyan ang napili niyang mapapangasawa? Bakit siya ang nagustuhan? Kung ano-ano ang mga pang-aalipusta at panlalait na kanilang mabibigkas sa hitsura na mula ulo hanggang paa.
Sa ating Ebanghelyo (Mt. 7: 1-5), pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Hesus na huwag tayong humusga sa ating kapwa na para bang tayo ay malinis at ang taong pinupuna natin ang siyang marumi o masama.
Tama nga at sinabi ng Diyos na tayo ay maging perpekto gaya ng ating Amang nasa langit. "Be perfect as your Father in Heaven is perfect." Pero ang perfection na ibig ipakahulugan dito ni Hesus ay masasabing isang "spiritual perfection" sa isip, sa puso at sa gawa.
Ang paggawa ng mga bagay na kaaya-aya sa paningin ng Panginoon, mga bagay na matuwid sapagkat ang Diyos na lumikha ay matuwid. Mga bagay na maghahatid sa atin sa kaniyang kaharian.
Ito ay ang pagsisikap din natin na maging kalarawan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan para sa ating kapwa.
Subalit taliwas sa mensahe ni Kristo, ang pagiging matuwid ng isang tao ay pawang pang-ibabaw o pakitang tao lamang (Verse 3-5). Nais Niyang ipakita na Siya ay matuwid at perpekto na hindi gaya ng iba.
Minsan hinuhusgahan natin ang isang tao batay sa kaniyang pisikal na anyo at kalagayan. Kapag ang isang tao ay mahirap, hinuhusgahan na natin siya na mabaho, mababa ang pinag-aralan, maralita at kung ano-ano pa. Kapag ang isang tao naman ay mayaman may komento rin tayo na edukado, malinis sa katawan at sosyal.
Sa pagiging mapanghusga natin, hindi rin naiiwasan ang pagkakaroon ng bias o pagkiling batay sa katayuan sa buhay ng taong nakakaharap natin. Kaya mahirap talaga ang kalagayan ng taong namumuhay sa karukhaan dahil lahat ng nagatibong komento ay ikukulapol laban sa kaniya.
Subalit ang Diyos na totoong matuwid at perpekto ay hindi kailanman tayo hinusgahan kahit paulit-ulit tayong nagkakasala sa Kaniya at ni minsan ay hindi tayo sinumbatan kahit paulit-ulit natin Siyang sinasaktan at binibigo.
Hindi kasi Siya tumitingin sa ating pisikal na kalagayan tulad ng mga taong mapanghusga. Hindi Niya tinitingnan ang ating santambak na kasalanan kundi ang tinitingnan Niya ay ang laman ng ating mga puso.
Hindi Niya tinitingnan kung ilan beses tayong nagkasala, ilang beses tayong nadapa at pagkakamali, kundi ang ilang beses tayong nagsisi at nagbalik loob sa Kaniya.
Iyan ang Panginoong Diyos na totoong perpekto. Hindi lamang pakitang-tao o isang pang-ibabaw kundi totoong nararamdaman dahil punong-puno Siya ng pag-ibig. Hindi ka Niya huhusgahan bagkos ay uunawain ka sapagkat malawak ang pang-unawa ng Panginoon at walang hanggan ang Kaniyang pagpapatawad.
Ipinapakita din sa Ebanghelyo ang pagiging labis na mapanghusga ng tao dahil ang nakikita lamang niya ang pagkakamali at dungis ng kaniyang kapwa samantalang ang malaking mantsa at sarili niyang kapintasan.
Subalit kung ihahambing natin ang ating pagiging matuwid sa harapan ng Diyos, wala tayong maipagmamalaki at wala tayong kayang ipagmalaki.
Sapagkat hahatulan tayo ng Panginoon alinsunod sa naging hatol natin sa ating kapwa. Kaya bago tayo manghusga, siguraduhin muna natin na malinis ang ating buong pagkatao.
Pagpalawain nawa tayo sa linggong ito.
Amen.
--FRJ, GMA News