Kadalasang ugat daw ng away sa pamilya ang paglalaro ng online game dahil napapabayaan ng naglalaro ang kaniyang sarili at mga taong mahalaga sa kaniyang buhay. Pero ang gamer at streamer na si "ChooxTV," nagawa raw itong balansehin hanggang sa matupad ang kaniyang pangarap na magkabahay.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni Edgar Dumali, o ChooxTV, mula sa Koronadal City, South Cotabato, ang hirap ng buhay na kaniya munang pinagdaanan bago nakamit ang tagumpay sa pamamagitan ng online games.
“Palipat-lipat kami ng tinitirahan [noong bata ako] dahil iyong Papa ko iba-ibang trabaho pinapasok. May mga panahong minsan kinakain namin mga kamote na lang," pagbabalik-tanaw ni Edgar.
Bagaman itinaguyod siya ng mga kapatid para mag-aral, inamin ni Edgar na nahilig siya sa online games. At para matustusan ang pangangailangan, pumasok siya sa iba't ibang trabaho gaya ng kaniyang ama.
Nagkaroon daw ng direksyon ang kaniyang buhay nang makilala si Angel, na nang mga sandaling iyon ay nagsisimula na siyang maging seryoso sa e-sports.
Nais din daw niyang patunayan sa mga kapatid na mayroon siyang mapapala sa paglalaro ng online games.
At gaya ng ibang magkarelasyon na nagkaroon ng problema sa samahan dahil sa online games, pinagdaanan din ito ni Edgar kaya nagpasya siyang balansehin ang paglalaro at ang pamilya.
Hindi nagtagal, nagsimula na siyang makilala sa pagla-livestream habang naglalaro ng Mobile Legends, na naging daan para makaipon siya ng pampagawa ng kaniyang dream house.
Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito, pati na ang kuwento ng isang nanay na nahilig sa ML upang makalimutan ang pinagdadaanan sa buhay. Panoorin.
--FRJ, GMA News