May mukha na ang tatlong pasahero ng babaeng driver na namatay matapos magtamo ng 52 saksak sa Calamba, Laguna. Kasabay nito, isang alyas "Althea" naman ang lumutang na pangalan ng umano'y nagplano ng karumal-dumal na krimen.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng isang CCTV nang tumigil ang kotse ng biktimang si Jang Lucero sa isang fast-food outlet para isakay ang tatlong pasahero — isang babae at dalawang lalaki.

Sa likod umano umupo ang dalawang lalaki habang sa tabi ng biktima ang babaeng sakay.

READ: PNP: Babaeng driver na si Jang Lucero, mahigit 50 saksak ang tinamo; karamihan sa dibdib
 

Pero bago nito, isang kotseng asul ang nahagip din ng CCTV na tumigil sa gilid ng kalsada. Bumaba sa kotse ang tatlong pasahero ni Lucero patungo sa fast-food outlet kung saan sila sinundo ng biktima.

Nang maisakay na ni Lucero ang tatlo, namataan pa ang naturang kotseng asul na sumunod sa sasakyan ng biktima.

Nag-sideline si Lucero na maghatid ng mga pasahero na nagpapa-book sa Facebook para kumita matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Bukod sa 52 saksak, nagkaroon din ng bali ang isang braso ni Lucero, ayon sa pulisya.

Ayon kay Police Colonel Serafin Petalio, provincial police director ng Laguna, mahalaga ang kuha ng CCTV dahil makapagbibigay ito ng impormasyon ng mga pangyayari bago pinaslang ang biktima.

Base umano sa impormasyon na nakuha ng pulisya mula sa isang person of interest, isang nagngangalang Alyas Althea ang lumilitaw na nagplano ng pagpatay kay Lucero.

Sinabi naman ni Lieutenant Colonel Gene Licud, hepe ng Calamba Police, na may indikasyon na hinawakan ng isang salarin ang isang braso ni Lucero na nagkaroon ng bali. Isa pang salarin naman ang sumaksak sa biktima, aniya.

Mensahe ng pulisya sa mga sangkot sa pagpatay kay Lucero, sumuko na at huwag nang hintayin na hulihin pa sila. —FRJ/KG, GMA News