Palaisipan ngayon sa mga awtoridad sa Botswana ang dumadaming elepante na namamatay sa hindi pa maipaliwanag na dahilan.

Sa ulat ng Reuters, iniulat ng gobyerno na sa loob lang ng isang buwan ay umabot na sa 275 na elepante ang namatay. Sa nagdaang dalawang linggo, 154 na dambuhalang hayop ang nakita na wala nang buhay.

Isang buwan na umano ang nakalilipas nang unang makita ang patay na elepante sa Okavango Panhandle region. Isinangtabi na ang anggulong "poaching" dahil hindi naman umano nagagalaw ang mga labi ng hayop.

 

 

“Three laboratories in Zimbabwe, South Africa and Canada have been identified to process the samples taken from the dead elephants,” sabi sa pahayag ng Ministry of Environment, Natural Resources, Conservation and Tourism.

Batay sa ulat ng conservation organization na Elephants Without Borders (EWB), nakita sa aerial surveys na walang pinipiling edad ang kung anuman ang pumapatay sa mga elepante.

Sa bilang ng grupo, nasa 169 na elepante ang namatay hanggang noong Mayo 25, at panibagong 187 hanggang noong Hunyo 14.

“Several live elephants that we observed appeared to be weak, lethargic and emaciated. Some elephants appeared disorientated, had difficulty walking, showed signs of partial paralysis or a limp,” nakasaad sa ulat.

“One elephant was observed walking in circles, unable to change direction although being encouraged by other herd members,” dagdag nito.

Inirekomenda sa ulat na kailangan ang mabilis na aksyon para alamin kung sakit o pagkalason ang pumapatay sa mga hayop.

Sa kabila ng pagbaba ng populasyon ng mga alepante sa Africa dahil sa pangangaso, nakapagtala ang Botswana ng pagtaas ng populasyon ng hayop sa kanilang lugar na umabot sa 130,000 mula sa 80,000 noong huling bahagi ng 1990s.--Reuters/FRJ, GMA News