Maaari nga bang saniban o dumikit sa isang bagay ang negatibong enerhiya ng dating may-ari nito? Gaya ng nangyari kay Christian na may kakaiba raw naramdaman mula nang mabili niya ang isang jacket sa ukay-ukay.
Kuwento ni Christian sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," napilitan siyang bumili ng jacket dahil nag-uulan noon sa kanilang lugar sa Daet, Camarines Norte.
Pero sa unang suot pa lang daw niya sa jacket, may kakaiba na siyang naramdaman na mabigat. At kinagabihan, nagsimula na raw itong magparamdam.
"Pakiramdam ko nakayakap sa akin yung jacket. Parang gustong-gusto niya po sa akin. Kahit po hindi ko suot yung jacket parang suot ko pa rin," sabi ni Christian.
Kasunod nito ay nagkaroon na rin daw siya ng problema sa pagtulog at binabangungot pa.
At nang minsan itinalukbong niya ang jacket sa mukha niya nang matutulog na, may nadidinig daw siyang sumisitsit sa kaniya.
"Kaya tinanggal ko na talaga, hindi ko na po ibinalik uli," saad niya. "Natatakot ako kasi 'pag ano, [baka] hindi na po ako magising.
Itinapon daw ni Christian ang jacket pero pinulot naman ito ng kaniyang tiyahin na si Jessa.
Si Jessa, may naramdaman din daw na kakaiba nang isuot ang jacket.
Tunghayan sa video ang buong kuwento ng jacket at ang babala ng mga eksperto kapag bumibili ng second hand na gamit tulad sa mga ukay-ukay.
Alamin din ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng isang paranormal researcher sa naturang jacket. Ano nga ba ang dapat gawin sa mga ganitong bagay na pinaniniwalaang haunted? Panoorin.
--FRJ, GMA News