Madaling araw pa lang ay sinisimulan na ng mag-asawang Manolito at Marilou Palacio ang kanilang paglalakbay mula Caloocan patungong Quezon City para sa tatlong beses sa isang linggo na dialysis ng huli. At dahil walang masasakyan, ikinabit ni Manolito ang wheelchair ng asawa sa bisikleta at maglalakbay sila ng may 12 kilometro ang layo.
"Umaalis kami ng alas-singko [ng madaling araw] dumarating kami rito [sa center] minsan 'pag hindi kami natrapik alas-otso, nandito na kami," saad ni Manolito sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Taong 2017 at 44-anyos lang noon si Marilou nang matuklasan na mayroon siyang stage 5 kidney failure.
Dahil na rin sa maliit lang ang kinikita ni Manolito sa paggawa ng signage at sa kondisyon ng sakit ni Marilou, tinaningan na raw noon ng duktor ang buhay ng ginang.
Ngunit sa kabila nito, hindi isinuko ni Manolito ang buhay ni Marilou na 23 taon na niyang kabiyak sa buhay, at ina ng kanilang pitong anak.
Kaya naman si Marilou, labis-labis ang pasasalamat sa dakilang pagmamahal na ipinapadama ng kaniyang mister.
"Pa maraming salamat sa pag-aalaga mo sa akin. Mula nang maospital ako di mo ako pinabayaan. Maraming-maraming salamat pinagtiyagaan mo ako kahit papaano. Salamat, love you pa," sabi ni Marilou. --FRJ, GMA News