Dahil sa kabiguan umano na makasama sa listahan ng Social Amelioration Program at nakaaway pa ang asawa, nagwala at naghamon ng away sa kalye ang isang lalaking armado ng dalawang patalim sa Makati City.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang lalaki na si Efren Andeya, ng Barangay San Isidro.
Sa video na nakuhanan umano nitong Linggo, makikita si Andeya na nakahubad, walang face mask at hawak ang dalawang patalim habang nasa gitna ng kalsada.
Pinalibutan naman siya ng mga pulis pero walang lumalapit sa kaniya maliban ang nakikipagnegosasyon.
Kuwento ni Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati police, unang idinahilan ni Andeya ng kaniyang pagwawala ay bunga ng kawalan niya ng nakuhang pinansiyal na ayuda.
Pero matapos ang halos isang oras na negosasyon, mapayapang sumuko rin si Andeya at inihayag sa presinto ang naging away din nila ng kaniyang misis na nakadagdag sa kaniyang pagkaburyong.
Mahaharap sa patong-patong na reklamo si Andeya tulad ng alarm and scandan, illegal possesion of deadly weapon at paglabag sa ordinansa patungkol sa pagsusuot ng face mask.--FRJ, GMA News