Work from home, flexible ang oras ng trabaho, at dollar ang sahod. Ano nga ba ang patok na online work na VA o virtual assistants, na naging daan para gumanda ang buhay ng magkapatid na dating laki sa hirap. Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Dianne na mula sa Surigao del Norte, na madalas na dalawang instant pancit canton ang pinagsasaluhan nila noon ng kaniyang pamilya--kasama ang pitong kapatid-- dahil maliit lang ang sahod ng kaniyang ama.
Nakikitira lang din sila sa kamag-anak, at madalas silang maputulan ng kuryente dahil hindi sila makabayad.
Pero sa halip na panghinaan ng loob, ginamit niyang inspirasyon ang kahirapan para lalo pang magpursige sa pag-aaral.
Nang magkolehiyo, naging working student siya sa Maynila. Pumasok siya sa isang fast food chain at kinalaunan ay nagtrabaho rin sa BPO.
Iyon nga lang, nabuntis si Dianne at nagkaanak.
Ngunit lalo pa siyang nagsikap hanggang sa makapagtapos na siya ng kolehiyo sa kursong hotel and restaurant management.
Gayunman, hindi pa rin sumasapat ang kaniyang sinasahod dahil sa dami ng obligasyon. Kaya nagbitiw sa trabaho si Dianne at pinasok ang pag-o-online tutor na mga batang dayuhan ang kaniyang tinuturuan.
Hanggang sa nakaipon siya ng pera na pagbili niya ng sariling laptop, at nadiskubre ang trabaho bilang VA na kailangan lang na mayroong laptop o computer, smartphone at internet.
Pinag-aralan ni Dianne ang trabaho ng isang VA hanggang sa makakuha na siya ng kliyente. Nang magtapos din ng kolehiyo ang isa pa niyang kapatid, inalok niya na rin ito sa pagiging VA.
Ngayon, nakapagpundar na sila ng bahay, condo unit, sasakyan, at nakakakain ng masasarap.
Ano nga ba ang trabaho ng VA at ano mga dapat gawin ng mga taong nais itong pasukin? Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News