Sa init ng mga usapin tungkol sa bansa, good vibes ang hatid sa social media ng mga ka-look-alike o doppelganger ng mga sikat at kontrobersiyal na personalidad-- gaya nina Vice President Sara Duterte, dating presidential spokesperson Harry Roque, sinibak na Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, at SB19 member na si Pablo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang transwoman na patok ngayon sa netizens na si Tasha Geronda, ang kahawig ni VP Sara.
Nagtatrabaho bilang isang waiter ang 23-anyos na si Geronda, taga-Quezon City, at mas kilala ngayon bilang si "Inday Tasha."
Magtatapos si Geronda sa senior high school noon nang mapansin ng kaniyang mga kaklase sa kanilang graduation photos na kahawig niya si VP Sara.
Nagtatrabaho namn siya noong 2022 nang sumigaw ang mga tao ng "Inday Sara!" Kaya naman ginaya na niya ang signature pose ng bise presidente at kalaunan, kinarir na ang panggagaya kay VP Sara mula sa pananamit, postura, hanggang sa kilos at galaw.
Bukod dito, updated din si Tasha sa usaping politika.
Tulad ni VP Sara, malapit din si Tasha sa kaniyang ama, na suportado ang kaniyang pagiging isang transwoman.
"Hindi ko makalimutan 'yung tatay ko po nu'ng gabing umuwi po ko na galing po ko sa pagtitinda ng Sampaguita. Sabi niya po sa akin, ''Yan 'yung dalaga ko, sobrang sipag niyan,'" pag-alala ni Tasha.
"Ginawa ko lang naman po itong content na ito to entertain po para po magpasaya po ng tao," sabi ni Tasha, na nadagdagan ang mga raket.
"Proud po ako sa sarili ko dahil 'yung kapatid ko po is napapag-aaral ko po. Parang ngayon po college na po siya. 13 kaming magkakapatid. For me, nag-stop ako ng college para sila muna po muna 'yung unahin ko. Ako, ito na muna. Magtatarabaho muna ako para sa kanila," sabi ni Tasha.
Hindi rin pahuhuli ang impersonator ni dating presidential spokesperson Harry Roque na si Mark Colanta, 31-anyos, na taga-Taytay, Rizal.
"2016, 'yung isa sa mga ka-team ko, lumapit sa akin, sabi niya, Haji, parang kamukha mo 'yung Harry Roque. Pag-uwi ko, sinearch (search) ko talaga siya. Nagulat ako kasi sabi ko, 'Hala, kamukha ko nga!' Tinanggap ko na kamukha ko na siya," kuwento ni Colanta.
"May mga nagpapa-picture na sa akin. Minsan, nakatrigger siya ng social anxiety kasi natatakot ako minsan baka 'pag magpa-picture sila, maasim ako. Baka may masabi sila, 'Ano ba 'yan, ang asim naman nu'ng gumagaya kay Harry Roque!'" kuwento pa ni Colanta, na tinitiyak na kabisado ang mga linya at intonasyon ni Roque.
Likas nang komedyante si Colanta, na raket na talaga ang stand-up comedy.
Nagpadala na kaya ng mensahe sa kaniya si Roque tungkol sa kaniyang panggagaya?
"Nag-reach out? Sana hindi. Kasi natatakot ako eh. Baka kasuhan ako, hindi, joke lang. Alam ko naman, naiintindihan niya na 'yung ginagawa kong content it's actually for the memes, it's actually for the love," sabi ni Colanta.
Viral naman ang 17-anyos na babae sa Ormoc City, Leyte na si Noelle Angela "Nat" Tan, dahil sa pagiging kahawig ni Alice Guo.
Kung si Guo ay maraming impormasyong hindi naaalala, si Nat naman daw ay likas na makakalimutin.
Samantala, posibleng mamalik-mata ang SB19 fans o A'TIN kapag nakita si Jesse Monique Agustin, 25-anyos, na girl version ng lider ng SB19 na si Pablo.
"2019, 'yung friend ko bumisita sa bahay namin. Nag-selfie kami tapos pinost niya sa Facebook. 'Uy, kamukha mo si Pablo, ganiyan.' Madami po nagsasabi sa mata daw po, sa kilay. Flattering siyempre, kasi naku-compare ka sa isang sikat na personalidad," sabi ni Agustin.
Matapos makilala ang look-alike niyang si Pablo at ang SB19, naging instant A'TIN na rin si Agustin.
Sa pamamagitan ng kaniyang pagpa-fangirl, mas tumaas ang kumpiyansa niya sa kaniyang sarili.
"Elementary to high school na actually nabu-bully po ako physically. Na-nominate ka as muse tapos pagtatawanan ka. Dumating sa point na wala nang gusto makipagkaibigan sa akin. Ngayon po, ang dami na pong lumalapit, ang daming gusto makipagkaibigan," ayon sa dalaga.-- FRJ, GMA Integrated News