Sa halip na magkaroon ng glowing skin, namula, nangati at nagdugo ang mga balat ng magkakaibigang babae matapos silang magpa-gluta drip sa itinayong spa ng kanila ring isang kaibigan sa Rizal. Ano nga ba ang nangyari sa balat nila?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing kaiba sa pag-inom ng glutathione capsule o tablet, na ginagamit talaga bilang bitamina para sa atay na nagiging side effect ang pagputi ng balat, ang gluta drip, parang dextrose na itinuturok diretso sa ugat na mas mabilis umano ang epekto sa balat para pumuti.
Inalok umano si Abegail Galvez, o Abby, para maging brand ambassador ng itinayong spa ng kaniyang kaibigan na si "Angel," hindi nito tunay na pangalan.
Kailangan lamang ni Abby na magbenta, mag-promote at mag-post sa social media ng mga produkto at serbisyo ng spa, kapalit ng free gluta drip na tumatayang P1,000 hanggang P4,000 kada session.
Kaya noong Hunyo, nagpaluta drip si Abby. Ngunit habang isinasagawa ang proseso, namanhid ang kaniyang kamay at makalipas pa ang ilang sandali, bigla na siyang nahilo.
Laking gulat ni Abby nang bumungad ang mga pulang marka o spots sa kaniyang hita kinabukasan. Bumili siya ng cream pampahid, ngunit hindi ito umubra.
Kalaunan, kumalat pa sa buong niyang katawan ang mga pulang marka. Ngunit hindi niya muna ito inireklamo, hanggang sa dumating ang schedule ng ikalawa niyang gluta drip session.
Pagdating sa spa, nakasabay niya ang mga kaibigan din niyang sina Elaica, Ellize Zamora at Marimar sa libreng gluta drip. Ikinagulat ni Abby na pagkalipas ng dalawang linggo, nabalitaan niya na nagkapantal-pantal din ang kaniyang mga kaibigan.
Sa kabila ng pagiging makinis at maputi, tinanggap pa rin ni Elaica ang libreng gluta drip session dahil sa benefits umano nito gaya ng L-carnitine na pampapayat. Isinama niya noong Hunyo 26 ang kaibigan na si Marimar at kapatid na si Ellize dahil makatutulong umano ang procedure kay Ellize, na may Polycystic Ovary Syndrome o PCOS.
"I cannot say na meron siyang good effect sa PCOS not unless may study na ginawa," sabi ng dermatologist na si Dra. Grace Beltran.
Ngunit umpisa pa lang ng procedure, napansin ng mga magkakaibigan na hindi sigurado ang mga nagsasagawa ng procedure kung saan ituturok ang IV.
Si Abby naman, nakaramdam ng pangangapal at pangangati, ngunit iginiit ng mga doktor na normal lamang ito dahil pumapasok ang gamot at vitamins.
Matapos ang kanilang ikalawang gluta drip session, namula na ang mga katawan ng mga magkakaibigan kaya nagpakonsulta na sila sa kanilang mga dermatologist.
Base sa findings ng dermatologist, na-overdose ang mga magkakaibigan.
"Sobra pong naapektuhan ang self-confidence ko kasi hindi po ako makalabas ng bahay," sabi ni Elaica.
Si Abby naman, na-diagnose na merong guttate psoriasis, na kondisyon sa balat na lumalabas matapos ma-impeksiyon o ma-trigger ang pasyente. Ilang linggo na ang lumipas pero hindi pa naghilom ang kaniyang mga sugat, at tinighiyawat na rin ang dati niyang makinis na mukha.
Imbes na makipag-areglo, kung ano-ano pa umano ang ipinaratang ni Angel sa kanila.
Natuklasan ng KMJS na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang gamot na itinurok sa mga biktima na talamak na ibinebenta online.
Ang pamunuan naman ng kumpanya, tahasang itinanggi ang mga paratang sa kanilang produkto.
Tinungo ng team ng KMJS ang spa ni Angel para makuha ang kaniyang panig ngunit wala umano ito ngayon sa Pilipinas. Nakausap din si Angel sa telepono pero hindi pa raw siya handang magbigay ng pahayag.
Pormal namang nagsampa ng reklamo sina Abby at Laika laban sa kanilang kaibigan.
"Nagpa-panic na ako. May mali ba sa sarili ko?" sabi ni Abby.
"Doon na po talaga maraming lumabas sa likod ko," ayon naman kay Elaica.
"Dapat siyang makulong," sabi naman ni Ellize.
Ano ang reklamong puwedeng kaharapin ni Angel sa nangyari sa mga biktima? Alamin sa video, pati na ang payo ng mga dalubhasa sa mga taong nais sumailalim sa gluta drip. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News