Bukod sa kinikita sa sarili niyang mga unit ng Piso Wifi vendo machine, natutunan din ng isang lalaki sa Caloocan na gumawa ng naturang mga makina na kaniyang ibinebenta.
Sa programang "Pera Peraan," dating nagtitinda ng isang brand ng cellphone si Jonas Cometija, mula sa Dagat-dagatan, Caloocan.
Pero dahil mahirap daw makapagbenta, umalis siya sa trabaho at sinubukan mag-apply sa BPO pero hindi siya natanggap.
Hindi naman nawalan ng pag-asa si Jonas hanggang sa nalaman niya ang tungkol sa Piso Wifi vendo machine.
Sa tulong ng kaniyang kapatid na nagpahiram ng kapital, nakabili si Jonas ng Piso Wifi vendo machine.
Ngunit hindi doon tumigil si Jonas, pinag-aralan niya ang pagbuo nito at pagkumpuni hanggang sa matuto na siyang gumawa ng Piso Wifi vendo machine na kaniya na ring ibinebenta.
Nagawa raw ito ni Jonas sa pamamagitan ng panonood ng mga video sa Youtube, at sumali rin sa "group" na maaari siyang makapagtanong sa kaniyang pinasok na negosyo.
Bumili rin siya ng gamit na nagkakahalaga ng P1,000 para sa pag-repair ng mga makina. Nang makaipon ng P20,000 nasimulan niyang bumuo ng tatlong unit para sa kaniyang puwesto.
Ngayon, umaabot na umano sa 200 unit ang kaniyang nagawa at naibenta maging sa mga probinsiya.
Ang pagawa naman ng Piso Wifi vendo machine, nagkakahalaga ng P9,000 hanggang P12,500 ang isa.
Ang repair, nasa P300 hanggang P1,000 depende sa sira.
Ang kaniya naman Piso Wifi vendo machine na pinapagamit, kumikita ng P18,000 hanggang P25,000 sa isang buwan.
Dahil sa pinasok na negosyo, nakapagtayo na rin si Jonas ng tindahan at natutulungan na rin sa gastusin ang kaniyang mga magulang.
Para kay Jonas, binababaan lang niya ang benta para makatulong sa iba.
"Mababang halaga ko rin ibinibigay yung unit, masarap sa pakiramdam na makatulong ka sa ibang tao kasi may balik sa'yo triple pa o doble pa sa binigay mong tulong," saad niya.
Ang pisong hulog sa machine, tatagal ng 10 minuto ang gamit sa wifi. Ang P5 hanggang 2 oras, ang P10 hanggang 4 oras, at ang P25 pang buong araw na gamit ng wifi.
Paano naman kaya gamitin ang piso wifi sa internet? Panoorin sa video at alamin ang payo ni Jonas sa mga nagbabalak na maglagay ng Piso Wifi vendo machine sa kanilang lugar. --FRJ, GMA Integrated News