Kadalasang pinapapirma sa "waiver" ang mga tao na nais sumabak sa mga delikadong aktibidad gaya ng extreme water sports. Pero nangangahulugan ba na lusot na sa pananagutan ang nasa likod ng aktibidad kung sakaling may hindi magandang mangyayari?
Sa segment na #AskAttyGaby ni Atty. Gaby Concepcion sa GMA show na "Unang Hirit" nitong Lunes, ibinalita ang nangyari sa isang turista na nasawi matapos magtamo ng spinal injury sa jumping balloon sa isang resort sa Cebu.
Ayon kay Concepcion, standard procedure sa mga establisimyento ang pagpapapirma ng waiver sa mga tao na sasabak sa isang aktibidad at pinapayagan naman sa batas.
Paliwanag ng abogada, ang waiver ay pagsuko ng karapatan ng tao sakaling may mangyaring hindi kanais-nais, o pagsuko sa karapatan na habulin o maghabla ng biktima laban sa establisimyento kung may mangyayari na hindi inaasahan sa kaniyang gagawin.
Pero kailangan umano na ipinapaliwanag sa waiver ang peligro sa atraksiyon na susubukin. At kahit may waiver, dapat may tiyak na proteksyon ang mga sasabak sa atraksyon.
At kahit nakapirma ng waiver, sinabi ni Atty. Gaby na hindi dapat isali rito ang mga kaso ng gross negligence o sobrang kapabayaan ng operator.
Laban umano sa public policy na walang pananagutan ang operator dahil sa sobrang kapabayaan.
Kaya kung labag umano sa public policy ang isang waiver, lalabas na void ito o walang bisa.
Dahil ito, hindi umano mawawalan ng karapatan ang biktima na maghabla kung may hindi kanais-nais na nangyari sa sinubukang atraksyon.
"Ano ang habol ng pamilya sakaling mapatunayang may kapabayaan sa nangyaring insidente? Sabi ng Article 2176 ng Civil Code, 'Whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence,' o may pagpapabaya may obligasyon na bayaran ang lahat ng damage done," ayon kay Atty. Gaby.
Aniya, ang mga damages ay danyos sa lahat ng kaso pagpapabaya na igagawad ng korte.
"Generally sa mga kaso ng aksidente ng pagpapabaya, lahat ng natural consequence at damages ng pangyayari ay maaring makuha, kasama ang actual damages," dagdag niya.
Maaaring ding makakuha ng danyos batay sa moral damages, exemplary damages, at indemnity, depende umano sa magiging pasya ng korte.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Gaby na ang kaniyang paliwanag ay hindi para sa partikular na insidente na nangyari sa turista sa Cebu, kung hindi para sa lahat na posibleng insidente na may kapabayaan. --FRJ, GMA Integrated News