Base sa mga pag-aaral, ang sobrang taba sa tiyan o abdominal fat ay nagpapataas ng tiyansa sa isang tao na magkaroon ng type 2 diabetes, alta presyon, at sakit sa puso. Ano nga ba ang sukat sa baywang sa lalaki at babae na dapat magsilbing pang-alerto na kailangan nang magbawas ng timbang? Alamin at kumuha na ang medida.
Sa programang Pinoy MD, ipinakilala si Erlinda Espinar, na tila hirap na hirap sa simpleng pagsusuot ng medyas.
Dahil kasi sa kaniyang taba sa tiyan, nahihirapan na siyang yumuko at abutin ang kaniyang mga paa.
Dahil dito, nag-aalala siya sa mga sakit na maaari niyang makuha kung hindi mababawasan ang taba niya sa tiyan.
Isa sa mga dahilan ng pagtaba ng tao ang hindi aktibong lifestyle, pero kumakain ng mga pagkaing mataas sa calories mula sa carbohydrates gaya ng kanin, pasta at tinapay.
Dalawa ang klase ng fat na nabubuo sa katawan: Ang subcutaneous fat na naiimbak sa ilalim ng balat at madali pang makapa, at ang visceral fat na matatagpuan sa kailaliman ng abdominal cavities at pinupunan ang mga pagitan ng ating mga bituka at iba pang internal organs.
Ang visceral fat ang siyang direktang may kaugnayan sa pagkakaroon ng sakit sa puso, high blood, at diabetes, ayon sa mga eksperto.
Maaaring magsilbing warning ang sukat ng waistline kung sobra at delikado na para sa katawan ang taba sa tiyan.
Para sa mga lalaki, delikado na kung hihigit sa 40 inches ang waistline. Para naman sa mga babae, kinakailangan na nilang magdiyeta kung lagpas ng 35 inches ang kanilang baywang.
Tunghayan sa video na ito ng Pinoy MD ang payo ng mga eksperto kung paano mababawasan ang taba sa tiyan para makaiwas sa mga sakit. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News