Nabahala ang isang ina matapos niyang makitang nagkaka-seizure ang kaniyang anak. Ang nararanasan ng anak, dulot nga ba ng sobrang paggamit ng bata ng cellphone?
Sa nakaraang episode ng programang "Pinoy MD," ipinakita ang video na kuha sa anim na taong gulang na si Zane, tila may pagbabago sa kaniyang mga kilos habang abala sa paggamit ng cellphone.
Ilan sa mga ito ang eye twitching o pagkibot ng mga mata, hindi mapigilang paggalaw ng leeg at balikat, tila pag-alon-alon ng tiyan at kusang paggalaw ng mga daliri.
Ayon sa ina ni Zane na si Erika Centeno, dalawang taong gulang pa lamang ang bata nang pahawakan na nila ito ng cellphone.
Pero nang panahong ito, hindi pa naman daw madalas ang paggamit ni Zane ng naturang gadget para manood.
Pagsapit nito ng tatlong taong gulang, tila nakagisnan na o “habit” ni Zane ang manood at maglaro sa kaniyang cellphone.
“Since pandemic po, doon po siya totally natutok sa cellphone. Umaga pa lang po nanonood na siya, lunch, tsaka po hanggang gabi. May time po talaga na madaling araw na po nakakatulog, mga 1 a.m.” sabi ni Centeno.
Hanggang sa nitong Hunyo, napansin na ni Centeno ang mga kakaibang pagbabago sa katawan ng anak, gaya ng pasinok-sinok at gumagalaw ang tiyan.
Hinala ni Centeno, nakuha ito ni Zane sa labis na paggamit ng cellphone.
Mula nito, pinagbawalan na ni Centeno na gumamit ang anak ng cellphone. Isinailalim din si Zane sa electroencephalogram o EEG upang matukoy ang kaniyang kondisyon.
Paliwanag ng neurologist na si Dr. Jose Antonio Pantangco, bukod sa kombulsiyon, mayroon ding tinatawag na minor seizures gaya ng absence seizure na tumatagal lamang ng ilang segundo at umuungol o nakatulala lamang ang bata, ngunit maraming beses at paulit-ulit.
Dagdag ni Pantangco, ang absence seizure ay ikinokonsiderang isang klase ng epilepsy.
Nang suriin ang EEG report ni Zane, sinabi ni Pantangco na normal naman ito, ngunit hindi nangangahulugang hindi nakaranas ng seizure ang bata.
Posibleng dulot ng genetics o namana sa pamilya, o mula sa kapaligiran ang seizure ni Zane.
Ayon kay Pantangco, ang cellphone ay posibleng trigger ng seizure ni Zane.
“Usually kasi ‘yung mga triggers ng seizure is bright lights at saka pagpupuyat. The cellphone is not the cause for seizures, but it is a trigger,” anang neurologist.
May epekto rin sa kalusugan ang labis ng paggamit ng cellphone.
“Prolonged use of cellphone, puwedeng mag-trigger ng epilepsy.”
Tunghayan sa Pinoy MD kung ano ang mga aktibidad na dapat ginagawa ng mga bata para maging malusog, sa halip na nakababad sa cellphone. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News