Patay na nang matagpuan ang isang mangingisda at isang labandera sa magkahiwalay na insidente ng pag-atake ng buwaya sa Bataraza, Palawan. Maging ang isang aso na nasa ibabaw ng tulay, nahuli-cam na inabot ng isang buwaya. Iisang buwaya lang kaya ang nasa likod ng mga pag-atake?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang 60-anyos na si Monelba ang isa sa pinakahuling biktima ng dambuhalang buwaya na pinangalanan ng mga residente sa lugar na “Lolo.”
Ang pamangkin ni Monelba na si Hanbran Hamja, namataang tinangay ng buwaya noon ang kaniyang tiyahin, na hindi na sumisigaw at wala nang malay.
“Nakita namin din ‘yung talagang ipihit at kagat niya ‘yung paa ng tao, ‘yung ginatangay. Hindi ko rin nakilala ‘yung mukha niya kasi ito lang paa niya na nakita namin,” sabi ni Hamja.
Kalaunan, nadiskubre ni Hamja na mismong tiyahin niya pala ang biktima, na pinaghahanap na noong mga oras na iyon ng anak nitong si Noria Sariol.
Labis ang pag-aalala ni Sariol noong hindi niya makita ang ina dahil may sakit ito sa pag-iisip.
“Kinakausap ko po si nanay kung puwede ko po siyang talian kasi baka maidlipan ko siya, hindi ko siya mabantayan… Hindi rin po ako pumapayag na talian siya. Pero wala po ako magawa,” pag-amin ni Sariol.
Kalaunan, may pumunta sa kanilang bahay at nagbalitang mayroong bangkay na natagpuan sa may tabing-ilog.
“Nakita na po ng anak ko ‘yung damit ni nanay. Doon na po ‘yun ako nag-start na umiyak. Hindi ko na po nakayanan. Kitang-kita po ‘yung pangil ng buwaya. Tapos dito, tadtad po siya ng pangil,” pagsasalaysay ni Sariol.
Ang mangingisda namang si Menandro na pinaniniwalaang kinuha rin ng buwaya, ilang araw munang pinaghahanap bago natagpuan.
Ayon sa pamangkin ni Menandro na si Prudencio Tapalla, naganap ang insidente noong Hunyo 5, kung saan pumalaot sila sa isla ng Taganak para mangisda.
Nagpaalam si Menandro na hihiwalay ng lugar na sisisiran, ngunit makalipas ang dalawang oras, hindi na siya natagpuan at ilaw na lang niya ang naiwan.
Kinutuban na sina Prudencio na maaaring inatake ng buwaya ang kaniyang tiyuhin. Kalaunan, natagpuan ang kaniyang pangyapak.
Hunyo 7, o halos dalawang araw mula nang nawala si Menandro, nakita siya na sa may bakawan at nakalutang na.
“Pagkakita ko po doon sa kapatid ko, ang buwaya nasa ilalim niya. Mga tatlong dipa lang po ang agwat. Pinakiusapan po namin ‘yung buwaya. Sa awa naman po nag-agwat din nang kaunti at nakuha namin ‘yung kapatid,” kuwento ni Irenio Francisco, kapatid ni Menandro.
“Galit po, awa sa kapatid,” sabi ni Francisco tungkol sa nararamdaman niya sa buwaya, at sa pagkawala ng kaniyang kapatid.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na maaaring magkaibang buwaya ang umatake kina Monelba at Menandro.
Isang insidente rin ang nakuhanan ng video nang sunggaban ng isang buwaya ang isang alagang aso na nasa ibabaw ng tulay na masuwerteng nakaligtas pa rin sa kabila ng tinamong sugat.
Tunghayan sa KMJS kung anong klaseng buwaya ang umatake kina Monelba at Menandro, at ang payo ng animal welfare officer para maiwasan ng mga residente ang pag-atake ng mga buwaya. --FRJ, GMA Integrated News