Bata pa lang, sanay nang kumayod si Vincent “Enteng” Buenaventura, na binansagan ng netizens na "Baked Mac Bae," dahil sa pagiging guwapo at mala-artistahin. Kilalanin pa siya lalo at alamin kung single pa ba siya o taken na.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” natunton kung saan pumupuwesto si “Enteng” para maglako ng bake macaroni sa Marikina.
Bago pa man siya dumating, marami na ang nag-aabang kay Enteng, hindi lang para bumili ng kaniyang tinda, kundi para makapagpa-selfie na rin sa kaniya.
Nagkakahalaga ng P65 ang baked mac ni Enteng na nasa maliit na lalagayan, at P110 naman kung malaki. Ilang minuto pa lang, ubos na ang kaniyang tinda.
“Napadaan ako sa kaniya, takaw-pansin talaga siya. Kasi una sa lahat ang pogi tsaka lagi siyang naka-smile. Sabi ko ‘Makabili nga ng baked mac,’” sabi ng Mhelona, na unang nakapansin kay Enteng.
Labis ang pasasalamat ni Enteng sa mga humahanga sa kaniya na nakatulong upang madagdagan ang kaniyang kita.
“Nagpapasalamat din po ako sa kaniya ma’am kasi since noong nag-viral ang video, mas marami pong nakakakilala sa tinitinda namin. Before po kumikita po kami ng P2,500 to P3,000 per day, kasama ang puhunan. Ngayon po nadoble siya,” sabi ni Enteng.
Ayon kay Enteng, noon pa man ay pansinin na siya at naikukumpara sa artista. Gayunman, aminado siya na naninibago siya sa nakukuhang atensyon dahil likas siyang mahiyain.
“Ako po ay tahimik na tao, hindi po ako palasalita. Kapag binabati po ako nginingitian ko lang kaya madalas po akong natatawag na suplado,” anang guwapong tindero.
Apat na taon nang nagbebenta ng baked mac si Enteng at siya mismo ang nagluluto nito. Hindi raw biro ang paglalako ng kaniyang mga paninda dahil wala siyang sariling puwesto.
Kuwento ni Enteng, bata pa lang siya nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang. Naranasan niyang maging palaboy, mangangalakal, mangolekta ng mga kaning baboy at kung saan-saan nakikitulog.
Ginamit din noon ni Enteng ang kaniyang hitsura para makaraket bilang brand ambassador. Hanggang sa pinasok na niya ang pagtitinda ng baked macaroni.
Marami mang nagkakagusto sa kaniya, sinabi ni Enteng na mayroon na siyang partner na si Rodalyn, hat mayroon na silang dalawang anak.
Ayon kay Rodalyn, first boyfriend niya si Enteng.
Sinabi naman ni Enteng na iminulat siya ni Rodalyn sa buhay na kailangan harapin, at nagpupursige siyang mabigyann ng maayos na tirahan ang kaniyang pamilya.
Samantala sa palengke ng Pasig naman, dinarayo ang isang sari-sari store hindi dahil sa itinitinda rito kundi dahil sa 31-anyos na may-ari ito na si Danny Dizon, na kilala bilang “Macho Tindero ng Pasig.”
Nagbabantay kasi si Danny sa tindahan nang naka-topless o walang damit. Noong una, mga abs lang ang nakukunan ng ilang netizens. Hanggang sa ipinakita na niya na rin ang kaniyang mukha, nag-viral sa Tiktok.
“Ever since naman, tinatawag naman nila ako ng ‘Macho Man’ ng mga customer ko dahil nakahubad ako, kitang kita ‘yung katawan ko na so litaw,” sabi ni Danny.
Kaya naman ang ilang mga napadadaan, hindi maiwasang sumulyap sa kaniyang katawan.
“Talagang sobrang mainit. Tsaka bukod doon, nagwo-workout ako kahit na nasa loob ng tindahan,” paliwanag ni Danny kung bakit siya naghuhubad habang nagtitinda.
Umamin si Danny na talagang gusto niyang i-flex ang kaniyang pinagpagurang katawan, na sinasabayan pa niya ng basketball.
Sa kabila ng dami ng humahanga sa kaniya, hindi naman nababahala ang misis niyang si Vina Dizon.
“Mahal na mahal ko ang asawa ko. May mga anak na kami. Buntis ‘yung asawa ko eh,” sabi ni Danny.
Dahil madalas na walang pang-itaas, minsan nang nasita ng mga awtoridad si Danny.
Kung may naibunga mang maganda ang kaniyang viral video, mas dumami ang kaniyang customers, lalo’t ang kaniyang tindahan lamang ang kanilang inaasahan.
Sa kabila nito, nakabili na si Danny ng sasakyan, at nakapagpatayo na rin ng paupahan.--FRJ, GMA Integrated News