Sa halip na magmukmok dahil sa pagkasira ng mukha bunga ng palpak na kemikal na itinurok sa kaniyang pisngi sa kagustuhang gumanda, naging content creator na ngayon ang isang beautician sa Cabadbaran, Agusan del Norte upang magsilbing inspirasyon sa ibang katulad niya na may kaparehong karanasan.

Taong 2017 nang unang itampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang sinapit ni Vinia, kasama ang mga kaibigan na sina Maui at Nina.

Ang tatlo, nagpaturok umano sa pisngi ng tinunaw na petroleum jelly sa halagang P500 na ginawa sa kanilang bahay. Ang ginawa ng tatlo, higit na mura sa tunay na enhancement procedure para sa mukha na aabot sa P20,000 hanggang P50,000 ang bayad na fillers ang inilalagay at sa klinika ginagawa.

Bagaman maganda raw ang resulta sa simula, pero pagkalipas ng panahon, ang mukha ng tatlo, namaga, tumigas ang pisngi, at may bahagi pang lumaylay.

Matapos maipalabas ang kanilang episode, isang klinika ang tumulong sa tatlo para sa libreng facial liposuction upang alisin ang petroleum jelly sa kanilang pisngi na ang iba ay kumapit na umano sa laman.

Si Vinia, dalawang rounds lang ng procedure ang ginawa. Nagkasira rin ang kanilang samahan nang aminin ni Nina na sila-sila lang ang nagturok ng petroleum jelly sa kanilang mukha, bagay na itinatanggi ni Vinia.

Makalipas ng pitong taon, halos bumalik na sa dati ang mukha nina Nina at Maui, pero hindi ang mukha ni Vinia.

Naisipan na rin ni Vinia na maging content creator at ibahagi ang kaniyang karanasan para maging inspirasyon sa ibang trans women na nakaranas din ng katulad niyang sitwasyon.

Isa na rito si Erika, kaibigan ni Vinia, na nagpaturok din sa pisngi ng tinunaw na petroleum jelly na may halo pang mineral oil.

"Parang nadala lang din ako sa mga kaibigan ko. Parang insecure sa mga kagandahan. Parang naaadik na rin sa inject. 'Yung tinurok ko, hinalo-halo ko lang. Tapos malaki ang syringe na ginagamit ko 'yung pag-inject sa baboy," kuwento ni Erika.

Si Donna naman na mula sa Magallanes, Agusan del Norte, nagpaturok din sa mukha ng collagen noong 2012.Pero kinalaunan, ang ilong niya, humaba at kinalaunan ay lumaylay.

Nang magpasuri siya sa duktor, nalaman niya na silicone oil ang naiturok sa kaniya.

"Sabi ng doktor 5 to 10 years talagang may side effect 'yun. Hindi naman ako sinabihan nu'ng nag-inject sa akin. Kung alam ko lang talaga, hindi ako papayag," saad niya.

Sina Aiko at Aira na collagen ang hiniling na iturok sa kanilang pisngi, ilong at noo, pero ang hinihinalang nila na mineral oil ang ginamit sa kanilang mukha.

Hiniling nina Vinia, Erika, Donna, Aiko, at Aika, matulungan silang maayos ang kanilang nasirang mukha.

Ilang lang sila sa marami umanong transgender na nabibiktima ng palpak na cosmetic surgeries sa bansa. Gayunman, wala umanong kongkretong datos kung ilan talaga ang bilang ng mga nabibiktima.

"It is very important for patients to research their doctors. Kailangan din qualified na surgeon, who really trained for that procedure. As far as our society, we have a website, 'yung www.pscs.ph. You can check the list. We can guarantee na itong mga members namin may pinagdaanan na pag-aaral, pagsusuri," payo ni Dr. Al Farabi Lee Jaafar, presidente ng Philippine Society for Cosmetic Surgery.

May pag-asa pa kayang matulungan sina Vinia at anong kaso ang maaaring isama laban sa mga gumagawa ng palpak o mapanlinlang ng procedure gaya ng ginawa kina Vinia, Erika, Donna, Aiko, at Aika? Tunghayan sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News