Hirap pa ring tanggapin ng isang ama na dating boxing champ ang sinapit ng kaniyang anak na naging bosingero rin nang pumanaw ang binata sa murang edad na 18 habang nasa sparring upang paghandaan ang darating na laban.

Sa "The Atom Araullo Specials," kinumusta ang kalagayan ni Coach Charlito Dignos, na isang dating boxing champion, matapos ang trahediyang nangyari sa pamilya noong 2022 nang pumanaw ang kaniyang anak na si Axiel Van Dignos sa Cavite.

Gaya ni Axiel, 18-anyos din noon si coach Charlito nang pasukin niya ang mundo ng boksing.

Makikita sa kanilang tahanan ang mga gamit ni Axiel sa boksing, pati ang kaniyang mga medal at t-shirt.

“Hindi po ba mahirap yung ‘pag nakikita niyo ‘yung kaniyang mga gamit?” tanong ni Atom sa boxing coach.

Pero hindi kaagad nakasagot si coach Charlito at naging emosyonal.

“Minsan nga, ako lang mag-isa dito, nakikita ko ‘yung mga picture niya. Parang gusto kong itago na lang ‘yung mga picture niya. Kasi hanggang ngayon hindi pa ko na-move on. Kasi parang, nu’ng pagkamatay niya, pakiramdam ko parang isa ako sa mga kasalanan kung bakit nangyari ‘yon sa kaniya,” saad niya.

Naghahanda noon si Axiel sa isang nalalapit na laban at nakikipag-sparring sa mas malaking boksingero noong 2022.

Ayon kay coach Chito, makalipas ang ilang round, tila bumagal umano ang kilos ng bata at hindi na rin ito umiilag sa mga suntok.

“Nu’ng last, last 20 seconds na lang, umikot siya, pag-ikot niya. Doon, sumubsob na siya. Wala na. Doon, pagsubsob niya na, tumitigas na yung panga niya,” kuwento ng ama.

Lumitaw sa pagsusuri sa ospital na nagkaroon ng pagdurugo sa utak ni Axiel na naging dahilan ng pagka-comatose at pagpanaw.

Dahil sa trahediyang nangyari kay Axiel, tumigil noon sa boxing ang pamilya.

Hanggang sa unti-unti rin silang bumabalik sa training ng boxing dahil sa wala silang ibang magandang trabaho na mapasukan.

“Itong panganay rin, balik na lang rin sa pag-ensayo. Kasi wala naman kaming kilala, o nag-aral. Walang makuhang magandang trabaho. Sabi ko, ‘Wala tayong ibang magawa kundi mag-boxing ka na lang,” sabi ni Coach Charlito.

Matapos ang insidente, nagkaroon si Coach Charlito ng bagong respeto sa peligrong dulot ng boxing.

At kung puwedeng madisgrasya ang mga amateur at professional boxers sa isports na ito, mas lalo pa ang mga sumasali sa underground boxing.

Maituturing na isa sa pinaka-peligrosong sports ang boxing.

Ayon sa special report, tinatayang 13 ang namamatay taon-taon sa mga opisyal na laban sa buong mundo, hindi pa kasama ang mga aksidente na nangyayari sa sparring at underground boxing.

Bukod sa kasikatan, marami ang pumapasok sa mundo ng pagboboksing dahil sa premyong pera na maaari nilang mauwi sa tuwing mananalo sa laban.

Para sa kanila, ang boksing ang magiging sagot sa kahirapan. Alamin ang kanilang kuwento sa video na ito.


--FRJ, GMA Integrated News