Ilang buwan makaraang sirain ng kanilang ama ang pinaniniwalaang punso na tumubo sa loob ng kanilang bahay sa Kidapawan City, ang tatlo nilang anak na lalaki, nagsimulang tila tumupi ang mga siko at tuhod, bumaluktot ang mga kamay at paa, at bumukol ang mga likod. Ganti nga kaya ito ng mga nuno o duwente na nawalan ng tirahan?
Sa makaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ikinuwento ng mag-asawang Garry at Janeth Lopez, nakatira sa Kidapawan, North Cotabato, ang tungkol sa punso na pinaniniwalaan ng iba na bahay ng mga duwente na tumubo sa loob ng kanilang bahay.
Gayunman, para sa mga eskperto, ang tinatawag na mga punso ay umbok lang ng lupa na tinitirhan ng mga langgam o anay.
Pero dahil may nagpayo sa mag-asawang Lopez na malas ang magkaroon ng punso sa loob ng bahay, sinira ito ni Garry at itinapon ang nabungkal na lupa sa lugar na malayo sa kanilang bahay.
Pero pagkaraan ng ilang buwan, ang kanilang mga anak na lalaki na sina Ganggang (17-anyos), Obbo (12-anyos) at John John (10-anyos), nagsimula nang magbago ang porma ng mga braso at hita.
Ang kanilang siko at tuhod, tila tumipi, bumaluktot ang mga kamay at paa, at bumukol ang mga likod na para daw bahay ng punso.
"Natatapilok, natutumba sila bigla. Nu'ng nagtagal, 'yung tuhod na naman, nahihirapan tumayo. Ngayon, hindi na makalakad," sabi ni Garry. "Sumisigaw sila sa sakit. Hindi kami makatulog. Masakit masyado daw ang mga paa nila."
Hinala ng mag-asawa, ang mga duwendeng nakatira sa punso ang nasa likod ng paghihirap ng kanilang mga anak. Kaya naman may pagkakataon na sinisisi ni Janeth si Garry sa ginawang pagsira sa punso.
"Ako man ang nakasira sa bahay nila dapat akin 'yung parusa, hindi na lang sa mga bata," sabi ni Garry.
Sa takot na baka lalo pa silang pahirapan, lumipat ng bahay ang pamilya sa paanan ng Mt. Apo sa Sta. Cruz, Davao Del Sur.
Pero tila sinundan daw sila ng nagpapahirap sa mga bata.
"Nagluluto ako nun tapos sumigaw silang tatlo. 'Yung ngipin (ng pangalawa) sa gitna parang nabasag, 'yung parang may sumampal sa kaniya. 'Yun na rin yung dahilan na ako rin, may nakikita na 'ko. 'Yung duwende po, tatlo sila tapos puro babae," ayon kay Janeth.
Sa kabila ng mga nangyayari, pinipilit ng pamilya na mamuhay ng normal. Nais din sana nilang maipasuri sa duktor ang mga bata pero wala silang pera.
Kaya naman tinulungan sila ng KMJS team upang makapagpakonsulta para malaman ang paliwanag ng dalubhasa sa kung ano ang nangyari sa tatlo nilang anak.
Matapos ang laboratory test at pagsusuri ng pediatric orthopedic surgeon sa magkakapatid, lumilitaw na mayroong genetic condition at tatlong bata na kung tawagin ay Duchenne's muscular dystrophy.
Ano nga ba ang Duchenne's muscular dystrophy at posible pa kayang magamot sina Ganggang, Obbo at John John? Tanghayan ang buong kuwento sa video na ito ng KMJS.-- FRJ, GMA Integrated News