Malalaking igat na umaabot sa 70 pulgada ang haba, nahuhuli sa ilog sa Cavite

Jamil Santos
    

Kahit madulas at mailap, matiyagang hinuhuli ang mga igat sa mga ilog sa Indang, Cavite na umaabot sa hanggang 70 pulgada ang haba. Alamin kung papaano ito hinuhuli at anong luto ang madalas na gawin.

Sa programang “I Juander,” ipinakilala ang magkaibigang Samboy Garcia at Ronald Enot na ginawang libangan ang paghuli ng giant igat o giant mottled eel.

Sila mismo ang gumagawa ng mga pana na gingamit nila sa panghuli ng higanteng igat. Hindi rin sila gumagamit ng anumang kemikal upang matiyak na hindi makokontamina ang ilog kung saan sila nanghuhuli ng igat.

Sa mga bato na nasa ilalim ng tubig kadalasang sumisiksik ang mga giant igat. Challenge ang paghuli sa mga ito dahil mabilis silang sumuot sa mga butas gaya ng mga ahas.

Ayon kay Dr. Joseph Christopher Rayos, Chief Aquaculture Research and Development Division, mailap makahuli ng igat pero naa-attract ang mga ito sa ilaw o liwanag.

“Just like other fishing activities, ‘yung mga giant eels natin is na-attract sa light. So once sa gabi merong lighting galing sa mga bangka, na-attract po sila dyan, so lumalapit sila. So nagkakaroon sila ng congregation dun sa area na lighted,” sabi ni Rayos.

Sa pagtitiyaga nina Garcia sa pagsisid sa kailaliman ng ilog, isang malaking igat ang kanilang natiyempuhan na tinatayang nasa apat na kilo ang bigat.

Ang luto na gagawin sa igat, ang tinatawag na adobo sa gata.

Binanbalian muna ng mainit na tubig ang igat para mawala ang lagkit at lansa bago ito isalang sa kawali.

Bahagyang tubig lamang din ang kailangan kapag pinakulan dahil kusa na itong nagtutubig. At kapag napakuluan na, maaari nang ihanda ang mga rekado para gawin itong inadobo sa gata.

Tunghayan sa video ng "I Juander," kung papaano ito niluluto. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News