Dahil sa kaniyang paniniwala sa kahalagahan ng edukasyon, nagpursige sa pag-aaral ang isang dating janitor sa kabila ng naranasan niyang kahirapan. Ngayon, isa na siyang abogado at may-ari ng sarili niyang law firm.
Sa programang "Good News," ipinakilala si Atty. Ramil Comendador, na sa edad na pito ay natuto nang tumulong sa kaniyang ina sa pagtatanim, paggapas ng damo at pag-uuling sa Catanduanes para kumita.
Kahit walang kinagisnang ama, naging sapat na para kay Comendador ang kalinga at pagmamahal ng kaniyang ina.
"Wala naman akong parang vacuum na kailangang punuan kasi growing up, nandiyan 'yung nanay ko eh, ipinu-provide naman 'yung pagmamahal," sabi ni Comendador.
Kahit mag-isa, itinaguyod ng kaniyang ina ang pangangailangan nilang anim na magkakapatid, at napagtapos silang lahat sa high school.
Gayunman, hindi na natustusan pa ang pag-aaral nila sa kolehiyo dahil na rin sa kakapusan sa buhay.
Kaya lumuwas ng Maynila si Comendador at nagbakasakali ng makakuha ng maayos na trabaho para makatulong sa ina.
Hanggang san atanggap si Comendador bilang merchandiser sa isang furniture company. Ngunit hindi niya nakasundo ang kaniyang mga katrabaho kaya bumalik siya sa probinsya. Subalit hindi niya binitawan ang pangarap na balang araw ay aasenso rin sila.
Nang muling magkaroon ng oportunidad sa Maynila, sinamantala ito ni Comendador at napasok siya sa isang furniture company.
Dito na rin siya kumuha ng civil service exam para makakuha ng mas magandang trabaho. Pinalad si Comendador na makapasa sa kaniyang unang take.
Natanggap si Comendador sa gobyerno ngunit dahil hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo, janitor ang kaniyang naging posisyon sa Comelec.
Noong 2007, muli siyang nagkaroon ng komunikasyon sa kaniyang dating kaklase na isang engineer. Nauwi ito sa pagkakamabutihan at naging magkarelasyon sila at biniyayaan ng isang anak.
Dahil sa kaniyang asawa, nagkaroon si Comendador ng realisasyon sa buhay na mahalaga ang edukasyon para makahanap ng magandang trabaho.
Nagdesisyon si Comendador na bumalik sa pag-aaral at kumuha ng kursong Public Administration sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtatrabaho siya bilang janitor sa umaga at estudyante naman sa gabi.
"Ang lakas nu'ng pananampalataya ko sa Panginoon. Hard work and lots and lots of prayers," anang abogado.
Naka-graduate si Comendador at na-promote bilang clerk. Tinuloy-tuloy na niya ang pag-aaral at nag-aral ng abogasya sa edad 30.
"Nu'ng pumasok ako sa law school, 'yun na, pinangatawanan ko na talaga na ito 'yun. 'Yung puso ko talaga, binigay ko na. Kahit na anong hirap na danasin ko dito, I'll continue. May trabaho ako, may pamilya ako. So, I have to balance everything," sabi ni Comendador.
"Ang naging strategy ko is, slowly but surely," dagdag niya.
Naka-graduate si Comendador at nakapasa sa bar exam noong 2017.
Mula sa pagiging janitor, naging ganap nang abogado si Comendador sa edad na 35.
"Kaya nating putulin ang cycle ng kahirapan. Nasa atin lang kasi talaga 'yun. Kung ano 'yung gagawin natin para maremedyuhan kung ano man 'yung kasalukuyan nating sitwasyon," sabi niya.
May sarili na rin ngayong law firm si Comendador na tumutulong sa mga taong walang kakayahang magbayad ng abogado.
"Ako, sobrang emotional nu'ng time na 'yon. Nag-flashback lahat nu'ng mga paghihirap. Tapos, alam mo yun, 'yung idea na binibigay sa'yo na nagbago na ang lahat," ayon kay Comendador. --FRJ, GMA Integrated News