Idineklarang "in contempt" ng House Quad Committee (QuadComm) at ipinapaaresto si Police Colonel Hector Grijaldo dahil sa ilang ulit nitong hindi pagsipot sa pagdinig.

Si Taguig Rep. Pam Zamora ang nagmosyon na i-contempt si Grijado dahil sa halos apat na beses na pag-isnab sa pagdinig ng komite nang walang balidong dahilan.

Ayon kay Zamora, hindi katanggap-tanggap ang dahilan nito na may shoulder injury kaya hindi makapunta sa pagdinig.

Sinegundahan ng mga kasapi ng komite ang mosyon ni Zamora, at inaprubahan ni House QuadComm over-all chairman Surigao del Norte Rep. Ace Barbers.

Una rito, inakusahan ni Grijaldo ang QuadComm ng pamimilit sa kaniya na kumpirmahin ang testimonya ni retired Police Colonel Royina Garma, na nagpahayag na may pabuyang pera sa bawat mapapatay na drug suspect sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Itinanggi ng komite ang alegasyon ni Grijaldo, at maging ng kampo ni Garma.

Sa pagdinig nitong Huwebes, inaprubahan din ng QuadComm ang mosyon na maglabas ng warrant of arrest laban kay Grijaldo, at idetine siya sa Batasang Pambansa hanggang hindi tinatapos ng komite ang kanilang pagdinig.

Sinabi naman sa komite ni PNP Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) head Police Colonel Rowena Acosta,  na nahaharap na si Grijaldo sa administrative case dahil sa "neglect of duty" bunga nang hindi nito pagsipot sa trabaho, at maging sa pag-isnab sa pagdinig ng mga kongresista.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News