Nasunog ang ilang bahay sa General Avenue sa Barangay Tandang Sora Quezon City pasado alas onse kagabi.

Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.

Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma.

Nasa 18 fire truck nila ang rumesponde bukod pa sa mga fire volunteer group.

Kinailangan ding pumuwesto sa bubong ng ilang bumbero para malapitang makapagbuga ng tubig.

Lumikas sa katapat na chapel ang mga residenteng naapektuhan.

Ang ilan sa kanila ay walang naisalbang gamit.

“Nakarinig kami ng sigawan then binuksan ko yung bintana malaki na yung apoy nasa tapat na po ng bahay namin talaga kaya bumaba na po ako kaming lahat bumaba na,” kuwento ng residenteng si Helen De Leon.

Nasugatan ang limang residente na agad na nilapatan ng paunang lunas ng rescue team.

Kabilang sa kanila ang 13-anyos na babae na nagtamo ng sugat sa tuhod habang lumilikas.

Nakagat naman ng aso sa binti ang isang lalaki.

Sa pagtantiya ng mga taga-barangay, mahigit sa 18 bahay ang nasunog.

Inaalam pa ang kabuuang bilang ng pamilyang naapektuhan.

“Magpapadala muna tayo ng mga modular tent if ever na hindi magkasya rito pwede naman sa barangay namin dalhin ang mga nasunugan. Syempre magbibigay din tayo ng relief sa kanila,” ani Marlou Ulanday, ang chairman ng Barangay Tandang Sora.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng apoy maging ang kabuuang halaga ng pinsala.

“Ang involved po rito ay isang two-storey residential informal settler. Ang origin of fire po natin ay ground floor sa bedroom ng nasabing bahay,” ani Fire Chief Insp. Marvin Mari, ang chief operations ng BFP Quezon City.

Inabot ng mahigit isang oras bago tuluyang naapula ang sunog. — BAP, GMA Integrated News