Masuwerteng nakaligtas ang isang babaeng security guard sa kabila ng 11 tama ng saksak na tinamo niya mula sa dati niyang live-in partner sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naka-duty ang biktima sa binabantayang establisimyento kung saan ito pinuntahan ng suspek nitong Martes.

Matapos na magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa, may ibinuhos umano ang suspek sa mukha ng biktima at matapos ay inundayan na ng saksak sa katawan.

Ayon kay Agora Police Station Investigator, Staff Sergeant Manuel Zumel, ayaw umanong pumayag ng suspek na tuluyang silang maghiwalay ng biktima.

Kaagad na tumakas ang suspek matapos ang krimen at pinaghahanap na siya ngayon ng mga pulis.

Samantala, nasa ligtas na kalagayan na umano ang biktima.

Mahaharap ang suspek sa reklamong frustrated homicide at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (RA 9262).-- FRJ, GMA Integrated News