Bukas na ang komunikasyon ng anak ni Nadia Montenegro na si Sophia Asistio sa kaniyang ama na si Baron Geisler. Ayon sa dalaga, wala rin siyang balak na papalitan ang kaniyang apelyido.

Sa episode ng latest episode ng "Lutong Bahay," binisita ng mga host na si Mikee Quintos at Kuya Dudut, ang bahay ng mag-inang Nadia at Sophia, at niluto nila ang callos recipe ng aktres.

Sa naturang programa, tinanong ni Mikee si Nadia kung papaano niya sinabi kay Sophia ang tungkol kay Baron bilang tunay na ama nito.

Kuwento ng veteran actress, hindi niya sinabi kay Sophia ang tungkol kay Baron, at tanging ang kaniyang namayapang partner na si Boy Asistio, at mga kapatid ng dalaga ang nakakaalam.

Gayunman, nalaman umano ito ng dalaga at kinumpronta siya noong 16-anyos na ang anak.

"She knew inside pero she confronted me when she was 16. I didn't find any reason naman to parang idutdut pa 'yung truth kung nakikita ko naman okay naman kami. She's in contact with her dad," ani Nadia.

Pinatotohanan naman ito ni Sophia pero inihayag niya na "iba pa rin 'yung soft place" ng kinikilala niyang ama na si Boy sa puso niya.

Inihayag din ni Sophia na proud siya sa kaniyang apelyido at hindi niya papalitan.

"When I see comments na parang, 'Bakit ganito 'yung apelyido mo?' ngayon ko lang sasagutin, I'm very proud sa apelyido na meron ako ngayon. I take pride and kung hindi ko siya kailangan palitan, hindi ko  papalitan 'yung apelyido ko, hindi talaga," ayon kay Sophia.

Sa ngayon, hindi pa raw niya alam kung ano ang itatawag kay Baron, "When I talk to him, I just say po, ganun lang."

Inihayag din ng dalaga na mayroon pa ring "bounderies" sa pakikipag-ugnayan niya kay Baron.

"I've been trying to respect pero there's still boundaries because I've tried na din, parang second chance na lang din 'to," paliwanag niya.

Hindi naman niya inaalis ang pagkakataon na magkaroon ng ugnayan sa aktor.

"Meron naman. Siyempre hindi ko rin ika-cut off 'yung ganung opportunity, baka may mahanap ako sa sarili ko na mas makabubuti pala sa akin. Baka mas mag-grow ako as a person, if may nakita akong, 'Uy may similarities pala kami,'" patuloy niya.

Kasabay nito, sinabi ni Nadia na pinapayuhan niya si Sophia na huwag nang magbasa ng mga komento mula sa netizens.

"The right time will come naman kasi hindi naman kayang ako lang mag-isa ang gumagawa ng paraan. Hindi rin naman pupwedeng siya lang ang gumagawa ng paraan," saad ng aktres.

Sa segment na Kitchen-terrogate, tinanong ni Mikee si Nadia kung pinatawad na niya si Baron.

"Oo naman. Napatawad ko na siya. Ang tanong, napatawad na ba niya ang sarili niya? We're open to reconciliation and to forgiveness," ayon sa aktres.

Kinumpirma ni Nadia sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong July na si Baron ang ama ni Sophia.

Ayon kay Nadia, hiniling noon ni Boy Asistio na ipaalam lang kay Sophia ang tungkol kay Baron kapag wala na siya dahil ayaw umano ni Boy na magbago ang pagtingin sa kaniya ni Sophia.
Pumanaw si Asistio noong 2017.— FRJ, GMA Integrated News