Kung hindi pa napupuntahan, dapat na isama na sa travel destination ang lalawigan ng Marinduque na mayaman at makulay ang kultura, sining at tradisyon. Tuklasin kung bakit nararamdaman ng mga bisita ang pagiging hari at reyna kapag bumisita sa mala-paraisong isla na ito.

Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Marisol Abdurahman, sinabing mararating ang probinsya ng Marinduque sa pamamagitan ng pagsakay sa RORO o barko.

Sa pamasahe na halagang P400 piso kada tao, mahigit tatlong oras ang biyahe nito mula sa Talao-Talao Port sa Lucena, Quezon, papunta sa Balanacan Port sa Marinduque.

Ayon kay Jose Rino Labay, Provincial Tourism Coordinator, nakararamdam ng pagiging mga hari at reyna ang mga bisita dahil sa tradisyon nilang Putong, kung saan magarbo silang binibigyang-pugay at sinasalubong sa pamamagitan ng pagpapatong sa kanila ng korona.

Isa ang banda musiko sa mga ipinagmamalaki ng Marinduque, dahil sa kanilang instrumento na kung tawagin ay kalutang. Gawa ito sa kahoy ng Tuatingan, na sikreto sa maganda nitong tunog.

Sa Torrijos naman hinahabi mismo sa isang tindahan ang mga produktong pang-sining tulad ng mga buntal placemat, table runner, blinds, at mga bag.

Gawa ang mga ito sa hibla ng buntal na galing sa buli, na kanilang binibili sa mga magsasaka.

Patok naman sa mga turista sa Poctoy White Beach ang ilang water activity. Makikita rito ang highest peak ng lalawigan ng Marinduque na Mount Malindig.

Makakapasok na ang mga turista sa halagang P50 para sa mga adult, P40 sa mga senior citizen, at P30 para sa mga bata. Libre naman ang mga PWD.

Ayon pa kay Labay, ang average na bisita sa lalawigan ay 3,800 kada buwan.

Ang Balar Hotel and Spa naman ang isa sa mga pinakaunang hotel na categorized ng Department of Tourism bilang hotel sa isla ng Marinduque. Meron itong spa at cafe na inaalok ang Italian, Western at Filipino na mga pagkain.-- FRJ, GMA Integrated News