May mga motorista na nasagad ang pasensiya sa kalsada na humantong sa init ng ulo at away. Ang kadalasang nagsisimula sa gitgitan at sagian, nauuwi sa pagbabanta, sakitan at kung minsan ay patayan. Balikan ang ilan sa mga road rage incident ngayong 2023 na mainit na pinag-usapan.
Ex-cop vs siklista
Nag-viral sa social media noong Agosto ang pananakit, pagbunot at pagkasa ng baril ng isang motorista sa isang siklista na nakasagi sa kaniya sa Quezon City.
Kinilala ang motorista na si Wilfredo Gonzales, isang retiradong pulis, na sumuko sa pinakamalapit na police station matapos mag-viral ang video nila ng siklista.
Sa isinagawang pulong balitaan, sinabi ni Gonzales na nagkaayos at nagkaroon na sila ng kasunduan ng siklista.
Ngunit inilahad ng bike enthusiast at lawyer na si Raymond Fortun na pinilit umano ang siklista na pumasok sa kasunduan, pinaamin na siya ang may kasalanan sa insidente at pinagbayad pa ng P500 para sa pinsala sa kotse ni Gonzales.
Binawi ng Philippine National Police (PNP) ang license to own and possess firearms (LTOPF) at permit to carry firearms outside of residence ni Gonzales.
Matapos ang 90-day preventive suspension, pinawalang-bisa ng Land Transportation Office (LTO) ang kaniyang lisensiya para makapagmaneho ng sasakyan.
Pulis vs nagpakilalang sundalo
Sa Makati City, maaksyon ang tagpo sa viral video nina Police Staff Sergeant Marsan Dolipas at Angelito Rencio, na nagpakilala sa Makati police investigators, na retired intelligence operative siya ng Armed Forces of the Philippines, na kinalaunan ay itinanggi ng militar.
Sa kanilang away sa kalsada, makikita na may hawak na baril si Dolipas habang dinadaganan niya ang rider na si Rencio.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nasagi ng motorsiklo ni Rencio ang kotse ni Dolipas. Pero sa halip na makipag-usap, tumakbo umano si Rencio at nag-dirty finger kaya hinabol siya ng pulis.
Nang abutan ni Dolipas si Rencio, nakita ng pulis na may nakaumbok sa baywang ni Rencio at doon na nangyari ang kanilang pagpapambuno.
Dinala sa police station si Rencio pero hinayaan na makaalis nang magpakilala siyang retired intel officer. Pero nang itanggi ng militar na kabaro nila si Rencio, tinugis na siya ng mga pulis hanggang sa kusang sumuko. Nadamay din ang mga pulis na hinayaan siyang makaalis.
'Akin na ang lisensiya mo'
Viral don ang video ng isang SUV driver na pilit na hinihingi ang driver's license ng nakagitgitan niyang truck driver sa C5 Road sa Taguig City. Kinalaunan, nalaman ng truck driver na hindi pala pulis ang nakasagutan niyang SUV driver, na kinumpirma rin ng Philippine National Police.
Sa viral video, ilang beses ding pinansin ng SUV driver ang mga mata ng truck driver na namumula umano kaya pinagdudahan niyang gumagamit ng ilegal na droga.
Inisyuhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang SUV driver para pagpaliwanagin sa nangyaring insidente.
Pinatawan din ng preventive suspension ang kaniyang driver's license at ang rehistro ng kaniyang sasakyan.
Elf truck vs 10-wheeler truck
Sa Tondo, Maynila, nauwi sa trahediya ang away-kalsada nitong Oktubre ng isang driver ng elf truck, at nakagitgitan niyang mas malaking 10-wheeler truck.
Sa CCTV, makikitang ipinarada ng biktimang si Benjamine Bagtas ang kaniyang elf truck sa Road 10 sa Brgy. 105, ngunit kumabig ang 10-wheeler papunta sa kaniya. Dahil dito, naipit sa gitna at nakaladkad ang biktima ng ilang metro saka pumailalim at nagulungan.
Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay. Laking pagsisisi naman ng suspek sa kaniyang nagawa at sinampahan ng kasong murder by means of motor vehicle.
SUV driver vs biker
Nag-viral din ang video ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) driver na may binanggang bisikleta at kinompronta ang nakaalitang biker sa Marikina City.
Sa video ng insidente na nangyari noong Mayo, makikita ang pagbangga ng SUV sa bisikleta. Inambaan pa ng suntok ng SUV driver ang biker.
Hindi naging malinaw ang ugat ng away ng dalawa. Pinayuhan noon ng Land Transportation Office (LTO) ang bicycle rider na maghain ng reklamo. Naglabas din ito ng Show Cause Order (SCO) sa dalawa, na nahaharap sa reckless driving, obstruction of traffic, improper person to operate a motor vehicle under Republic Act 4136, and disregarding traffic signs under Joint Administrative Order No. 2014-01.
SUV driver na ayaw magpadaan
Isa pang insidente ng road rage ang nangyari sa Imus, Cavite, na kinasangkutan ng isa ring SUV driver at kasunod nitong sasakyan.
Sa viral video, mapapanood na pagewang-gewang ang takbo ng SUV na tila ayaw palusutin ang sasakyan na nakasunod sa kaniya.
Hanggang sa tumigil ang SUV at bumaba ang driver na lalaki at kinompronta ang mga nakasakay sa sasakyang nakasunod sa kaniya na nagsabing may kasama silang bata.
Ayon sa pahayag ng LTO, tila nakainom ang driver ng SUV.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng SUV driver at sinampahan ng mga reklamong oral defamation at grave threat.
Ayon sa biktimang driver, nagdulot sa kaniya ng matinding stress at gastos ang pangyayari.
Traffic enforcer na binaril ng lasing na rider
Kalunos-lunos naman ang sinapit ng isang traffic enforcer sa Tanza, Cavite, matapos siyang pagbabarilin ng rider na kaniyang sinita dahil umano sa pagmamaneho ng motorsiklo nang lasing.
Sa nag-viral na video, makikita ang komosyon ng suspek na si Joseph Llagas at biktimang si William Quimbao, na may kasamang iba pang traffic enforcer sa bahagi ng Barangay Daan Maya Dos sa Tanza.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sinita at pinara ng biktima ang suspek dahil sa nakainom ito. Sa gitna ng komosyon, kinuha umano ng suspek ang baril sa kasama nito at ilang beses na binaril ang biktima na tinamaan sa ulo, na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Mabilis namang tumakas ang suspek at kasama nito sakay ng motorsiklo. Kinalaunan, sumuko ang suspek.
Suntukan matapos magkasagian
Nauwi naman sa suntukan ang sagian ng isang driver ng kotse at isang rider ng motorsiklo sa Davao City.
Sa ulat ng At Home with GMA Regional TV, makikita ang isang babae at isang lalaki na may hawak na helmet na kinokompronta ang driver na nasa loob pa ng kotse sa gitna ng kalsada. Maya-maya lang, hinampas na ng rider ng hawak niyang helmet ang bintana sa kotse.
Umusad ng dahan-dahan ang kotse, pumarada sa gilid, at bumaba ang driver nito. Doon na nagsuntukan ang dalawang lalaki. Natigil lang ang suntukan nang awatin na sila ng mga tao.
Laging payo ng mga awtoridad sa mga motorista, habaan ang pasensiya sa kalsada at huwag na huwag paiiralin ang init ng ulo upang makaiwas sa gulo. -- FRJ, GMA Integrated News