Nang punitin ni Andres Bonifacio at kaniyang mga kasamahan ang sedula bilang simbulo ng paglaban sa mga Kastila noong 1896 sa Pugaw Lawin, isang watawat ng KKK ang iwinagayway dito at hanggang ngayon ay buo pa rin at makikita sa isang museo sa Batangas. Gaano kaya ito katotoo? Alamin.
Sa paggunita ng ika-160 taong kaarawan ni Bonifacio, itinampok sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," ang sinasabing orihinal na watawat ng KKK o Ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na makikita at iniingatan ngayon sa Museo ng Katipunan sa Lipa, Batangas.
Ayon kay Mat Lunar, na namamahala sa museo, makikita rin sa lugar ang iba pang gamit ng katipunan gaya ng mga itak at sumbrero na ginamit ng mga katipunero.
May haba na 57 pulgada ang watawat at 38 pulgada ang lapad, na umano'y tinahi ng asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus.
Makikita sa watawat ang tatlong letrang K, pero kumupas na ang kulay nitong pula. May mga tahi rin ang watawat na sinasabing butas na sanhi ng tama ng mga bala.
"Itong mga kapatid kong babae, nu'ng makita nila na matigas na mayroon nang mga dugo-dugo pa, ang ginawa nila, nilabhan. Nu'ng malaman ng tatay namin, nagalit siya. Nasa maselang kalagayan na ito," ayon kay Mat.
Sabi pa niya, "'Yun ay mga tama ng bala ng mga rifle. Tinatahi-tahi na lang 'yun para ma-preserve talaga. Nagpagawa po kami ng salamin at nagpagawa kami ng poste para ito ay ma-compress."
May mga naniniwala rin na may kapangyarihan ang watawat at natutupad ang kanilang mga hiling. Gaya ng pamangkin ni Mat na si Daisy Mailom, na hiniling umano sa watawat na pagalingin ang kaniyang ina.
"May sakit po dati 'yung mother ko ng breast cancer tapos inihiling ko din po 'yun sa flag na nawa e maging magaling siya. Breast cancer survivor na po talaga 'yung nanay ko ngayon," ani Daisy.
Ayon kay Mat, ang isang kandidata na humiling na manalo sa beauty pageant, na hindi rin umano binigo ng watawat.
"Noong nagkaroon nga ng Miss Tourism Lipa, 'yung isa doon na kandidato lumapit sa salamin [na kinalalagyan ng watawat]. Hinaplos niya 'yung salamin. Tumirik daw ang balahibo niya. Nu'ng matapos 'yun, siya ang naging Miss Lipa Tourism," kuwento ni Mat.
Paano nila nakuha ang watawat?
Ayon kay Mat, ang kaniyang ama na si Flaviano na isang World War II veteran, ang nag-iwan sa kanila ng watawat at iba pang gamit ng katipunan.
Kasapi umano ang kaniyang ama ng Legion de Veteranos de la Revolucion, isang organisasyon na itinatag ng dating pangulong Manuel L. Quezon. Nakilala naman ng kaniyang ama sina Colonel Ignacio Conrado at Colonel Honorio Lopez, na parehong rebulusyonaryo rin.
Noong 1955, inatasan umano si Flaviano ni Conrado na magtungo sa Sariaya, Quezon upang kunin ang ilang gamit, kabilang ang KKK flag na pag-aari ni Bonifacio.
Nang pumanaw si Conrado noong 1957, iniwan nito kay Flaviano ang mga gamit kabilang ang watawat.
"Verbal proof lang ang ating naging katibayan. Gumawa po siya ng testamento o kasulatan na sulat-kamay niya. Para itala na ang mga gamit na 'yan ay inihabilin sa kaniya," ani Mat.
Taong 1970s nang dalhin umano ng ama ni Mat sa Lipa ang watawat ni Bonifacio. Taong 1994, kumalat na ang balita tungkol sa naturang watawat ni Bonifacio na nasa kanilang pag-iingat at may nag-alok na bilhin ito sa halagang dalawang milyon.
"Nu'ng dumating dito ang mga nag-research, mga kapatiran din, inilabas ngayon ni tatay 'yan. Na-shock ako," ani Mat. "Nung araw, ang sabi ng mga kasamahan natin ay may nagpunta dito, nag-o-offer na ito ay palitan ng halaga na two million. Nagpaliwanag naman sila, ang father ko na hindi nila pinapayagan 'yung ganoon. Kasi ito ay sentimental value."
Kasunod nito ay itinayo na nila ang museum na Museo ng Katipunan. Makikita rito ang ilan pang gamit umano ni Bonifacio gaya ng bag. Mayroon ding lumang dikyunaryo, iba pang dokumento.
Umaasa si Mat na masusuri ng National Historical Commission of the Philippines ang watawat upang malaman kung totoo na orihinal itong watawat ng KKK. Nais din nilang mai-preserve ito nang maayos dahil sa bahagi ito ng kasaysayan ng bansa.
Gayunman, ipinaliwanag ng National Historical Commission of the Philippines, na mahaba ang proseso para masuri ang watawat.
Ayon kay NHCP Historic Sites Development Officer II Eufemio O. Agbayani III, kailangan din na may sapat na katibayan para isagawa ang authentication.
Batay umano sa tala ni Pio Valenzuela, ang watawat sa museo sa Lipa ay may pagkakahawig sa watawat na iwinagayway ng Katipunan sa Pasong Tamo nang makasagupa ng mga katipunero ang mga Kastila noong August 24, 1896.
Bukas umano ang NHCP na makipag-usap sa pamilya ni Mat.—FRJ, GMA Integrated News