Aktibo dati sa kaniyang lifestyle ang 26-anyos na si Aiko Santos at nagagawa pang mag-gym. Pero bigla na lang siyang nakadama ng matinding sakit ng ulo at madaling mapagod. Nang magpakunsulta, lumitaw na mayroon siyang pambihirang kondisyon na tinatawag na AVM o Arteriovenous malformation. Ano nga ba ito at bakit nakatataba ang gamot na panglunas sa naturang sakit.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing napagkakamalan noon na artista si Aiko dahil sa kaniyang ganda at magandang kutis at magandang pangangatawan.
Pero kung noon ay 48 kilos lang ang kaniyang timbang, ngayon ay 56 kilos na si Aiko na side effect umano ng gamot para sa kaniyang AVM.
Ayon kay Aiko, pinagbawalan siya ng duktor na huwag masyadong magiging masaya, at hindi rin dapat na maging sobrang emosyonal dahil nakasasama ito sa kaniya.
At kahit nais niyang pumayat, hindi niya puwedeng gawin dahil kailangan niya ang gamot na nagdudulot sa kaniya ng pakiramdam na lagi siyang gutom.
Pero dahil kailangan din niyang bantayan ang kaniyang kalusugan, mga masustansiyang pagkain lang ang kaniyang kinakain gaya ng prutas.
Kuwento ni Aiko, bigla na lang siyang nakaramdaman noon ng matinding sakit ng ulo na halos iuntog na niya ang sarili sa pader. At kung dati ay nakapaglalaro pa siya ng volleyball, ngayon ay hindi na dahil madali na siyang mapagod.
Nang ipasuri si Aiko sa espesyalista noong 2013, natuklasan na mayroon siyang AVM, na dahilan ng problema sa daloy ng dugo sa bahagi ng kaniyang utak.
Paliwanag ng eksperto, dapat may capillaries sa pagitan ng arteries at veins, bagay na wala sa mga taong may AVM.
Nang panahong iyon, inirekomenda ng duktor na operahan si Aiko pero hindi umano pumayag ang kaniyang mga magulang dahil sa malaking peligro na maaaring ikamatay niya.
Ayon kay Aiko, sinabihan siya na napakapambira ng AVM at iilan pa lang ang may ganitong kondisyon.Kaya naman tiniis na lang noon ni Aiko ang naramdamang sakit ng kapag umaatake ang kaniyang karamdaman. Pero sa pagtagal, hindi na rin umano tumatalab ang pain reliever.
Hanggang sa magpasuring muli si Aiko at doon nila nalaman ang alternatibong paraan upang gamutin ang kaniyang AVM na sinimulan nitong lang 2022.
Ano nga ba ang dahilan ng pagkakaroon ng AVM, ano ang lunas dito na nagdudulot ng pagbigat ng timbang ni Aiko? Tunghayan ang buong ulat sa video ng "Pinoy MD".-- FRJ, GMA Integrated News