Patok na sawsawan ang bagoong na kung tawagin ay ginamos na gawa sa maliliit na hipon o hibe. Ang lalo raw nagpapasarap dito, ang paraan ng paggawa gamit ang mga paa. Pagtiyak ng gumagawa ng ginamos, malinis at ligtas ito.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” makikita ang maiging paglilinis ng mga paa ng pamilya ni Mang Rene Caro bago gawin ang ginamos sa Jordan, Guimaras.
Karaniwang sinasawsawan at pinapares sa ulam ang ginamos.
Minana pa ni Mang Rene ang recipe ng ginamos mula sa kaniyang mga magulang na dati ring mga mangingisda.
Matapos makalambat ng mga hibe, inilalatag ito sa tabing-dagat, saka ibibilad sa initan at patutuyuin para manuot ang lasa.
Kung maganda ang sikat ng araw, puwede na itong hanguin pagkalipas ng tatlo hanggang apat na oras. Titimplahan ito ng asin at lalagyan ng pampakulay.
Ngunit ang sikreto at totoong nagpapalasa raw sa ginamos, ang madiinang pagtapak sa hibe.
Nilinaw ni Mang Rene na hindi dapat pandirihan ang kanilang proseso. Katunayan, isa pa nga itong ipinagmamalaking tradisyon sa kanilang bayan.
Paliwanag ni Mang Rene, mas madali ang pagtapak sa hibe dahil mas mabilis ang proseso, kumpara sa pagbayo na maraming masasayang na oras.
Inaabot sina Rene ng halos isang oras sa pagkuskos ng mga paa at pag-iskoba ng tablang gagamitin na apakan ng ginamos. Ayon sa kaniya, mas maganda ang pagtapak sa hibe sa loob ng tabla kumpara sa banyera.
Maaaring gawin ang anumang paraan ng pag-apak para makuha ang natural na lasa at malakas na tekstura.
Sa ilang dekada na nilang pagtatapak sa ginamos, ni isa ay wala namang nagkasakit mula sa pagkain nito.
Tunghayan sa video ng i-Juander ang pangmalakasang proseso ni Mang Rene para makagawa ang ginamos. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News