Dahil isinilang na walang mga braso, natutunan ng isang babae sa Nasugbu, Batangas na gamitin ang kaniyang mga paa sa mga pang-araw-araw na gawain at pag-aaral. Bukod sa may trabaho na siya ngayon, kaya rin niyang ipagluto ang kaniyang pamilya ng masarap na tinola.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinakilala si Jane Ramos, na inihalintulad ang sarili sa marshmallow.

“Hinahalintulad ko lang ang sarili ko sa isang marshmallow. Kapag tinusok ka, hayaan mong tumagos. Sa mundong ito wala kang choice kundi tulungan ang sarili mo,” sabi ni Jane.

BASAHIN: Lalaking walang mga braso, lodi sa kasipagan at dami ng abilidad

Ayon kay Jane, batay sa mga ikinukuwento sa kaniya, tumitingin noon ang kaniyang ina sa kapatid niyang lalaki at natutuwa sa pinaglalaruan nitong manika na tinatanggal ng iba’t ibang parte ng katawan.

Sa kabila ng kaniyang kondisyon, pinalaki siyang normal ng kaniyang pamilya.

“Kaya pala hindi ako pinagbabawalan ng tatay ko na lumabas, para masanay ako sa tao,” sabi ni Jane.

Hindi rin iniasa ni Jane sa ibang tao ang mga pang-araw-araw niyang gawain, na siyang payo rin naman ng kaniyang ama.

“Kahit pa marami kayong magkakapatid, kahit pa malakas ako, mawawala rin kami. Hindi mo puwedeng idepende sa amin,” balik-tanaw ni Jane sa sinabi sa kaniya ng kaniyang ama.

Kaya si Jane, kayang magbukas at magsalin ng softdrink sa baso gamit ang paa. Ang paa rin niya ang nagsisilbi niyang kamay para makainom at kumain.

Hindi rin hinayaan ni Jane na maging hadlang sa kaniyang pag-aaral ang kaniyang kapansanan.

Katunayan, nakapagtapos siya ng Financial Management nito lamang 2022. Nanunungkulan na siya ngayon bilang public servant sa kanilang munisipalidad bilang Admin Aide III.

Gaya ng ibang tao, basic na rin kay Jane ang pagse-cellphone gamit ang kaniyang mga paa.

Kapag nagluto ng tinola, si Jane na rin ang pumipitas ng papaya sa puno gamit ang panungkit. Kaya niya ring balatan ang papaya at maging ang bawang.

Tunghayan sa “I Juander” ang kahanga-hangang abilidad ni Jane sa pagluluto gamit ang kaniyang mga paa. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News