Palaisipan sa ilang residente sa Tiwi, Albay ang nadiskubreng dalawang bato na may nakaukit na mga titik, numero at simbolo na kahalintulad sa sinaunang sulat na Baybayin. Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga nakaukit sa mga bato, at palatandaan nga ba ito ng mga nakatagong kayamanan sa lugar?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ng magsasakang si Leonie Camasis, na 2002 nang aksidente niyang madiskubre ang mga bato na malapit sa paanan ng Mt. Malinao.

Sa unang tingin, normal lamang na bato lang ito, ngunit kapag sinuring mabuti, mapapansin ang mga nakaukit na tila titik, numero o simbolo.

Pagkaraan ng dalawang linggo, nakatuklas naman si Camasis ang pangalawang bato na mayroong nakaukit na “1898” na nakapuwesto sa itaas na bahagi ng sakahan.

“Ito parang sais, siyete. Eto naman trenta, ito naman letter G, ito naman parang bulaklak. Iba-iba ang sulat,” sabi ni Camasis.

Ipagsasawalang bahala na sana ni Camasis ang kaniyang natuklasan, ngunit naisip ng kaniyang anak na si Fatima na gawin itong school project upang alamin kung mayroon itong kaugnayan sa kultura ng Tiwi.

Hinala ng guro ni Fatima na si Darwin Malagueno, ang mga bato ay posibleng kasinghalaga ng mga bato na may nakaukit na Baybayin na nakita noong 2011 sa kalapit nilang probinsya sa Ticao Island sa Masbate.

Ayon sa mga eksperto, ang naturang bato na nakita sa Masbate na ginawa pa noon na tapakan ng mga estudyante, ay posibleng inukit noon pang ika-17 siglo.

Makikita ngayon ang nasabing bato na naka-display sa National Museum.

Ang ilang residente sa Tiwi, hinihinala rin na ang mga nakaukit sa mga bato ay palatandaan at maaaring magturo sa nakatagong kayamanan sa kanilang lugar.

Si Xavier Ciocson, na may-ari ng lupa kung saan natagpuan ang mga bato, sinabing naisip niya na baka tungkol sa palatandaan o direksyon ang mga titik at numero para sa nakatagong kayamanan.

Lumakas pa ang haka-haka ng mga residente matapos makahukay sina Camasis at kaniyang mga kapitbahay ng ilang kayamanan malapit sa bato, gaya ng lumang bagay at mga gintong barya.

Tinungo ng propesor sa Bicol University at dalubhasa sa Baybayin na si Rey Anthony Ostria, ang nadiskubreng bato at dito nakita na may nakaukit na tila pangalan na “Meniano.”

Ngunit batay sa pagsusuri ni Ostria, hindi Baybayin ang mga nakasulat dito pero hindi rin niya matukoy kung ano.

Ngunit sino kaya si "Meniano" na nakaukit na pangalan sa bato, papaano kaya malalaman kung sinaunang sulat ang nakaukit dito? Panoorin sa video ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News