Kinokontrol ngayon ng mga awtoridad sa India ang isang rare outbreak ng Nipah virus upang hindi na kumalat pa sa mga tao. Saan nga ba nagmula ang nakamamatay na virus na ito at paano ito naipapasa sa tao?
Sa ulat ng "Need To Know," sinabing ang Nipah ay nagdudulot ng deadly fever at may mataas na mortality rate dahil walang direktang gamot laban dito.
READ: Over 700 people tested for Nipah virus after two deaths in India
Unang naitala ang Nipah outbreak noong 1998 nang kumalat ang virus sa pig farmers sa Malaysia. Ipinangalan ito sa lugar kung saan ito nadiskubre.
Bihirang magkaroon ng outbreaks dahil sa Nipah virus. Gayunman, sinabi ng World Health Organization na pinagtutuunan ito ng pansin dahil kahanay ng Nipah virus ang Ebola, Zika at COVID-19 sa listahan ng mga sakit na posibleng magdulot ng global epidemic.
Ang Nipah virus infection ay zoonotic o sakit na nakukuha ng tao mula sa mga hayop. Fruit bats ang natural carriers ng Nipah virus.
Kasama sa mga sintomas ng Nipah virus ang intense fever, pagsusuka at pagkakaroon ng respiratory infection.
Ang mga mas malalang kaso ay posibleng magkaroon ng seizures at pamamaga ng utak na maaaring mauwi sa pagka-comatose.
Tinatayang 40% hanggang 75% ang mortality rate ng Nipah virus infection.
Hindi pa nakagagawa ng bakuna para sa Nipah virus.
Sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), proteksyon laban sa Nipah virus ang pag-iwas sa fruit bats.
Makatutulong din ang pagsusuot ng protective equipment tulad ng gloves at face mask para maiwasan ang contact sa bodily fluids ng taong infected.
Nagpayo ang CDC na panatilihin ang good hygiene para makaiwas sa Nipah virus infection.
Sa ngayon, wala pang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.
Sinabi ng infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, na hindi kasing bilis ng COVID-19 na kakalat sa bansa ang Nipah virus.
“I don’t think we will experience the same intensity o rapid spread of infection nang gaya sa COVID. Ang COVID ay respiratory tract infection. Itong Nipah, it is usually body fluids. ‘Yung transmissibility niya ay hindi rapid at high kumpara sa COVID,” sabi ni Dr. Solante.
Gayunman, hinihikayat ni Solante na i-monitor ang mga bumibiyahe galing India para maiwasang makapasok sa bansa ang Nipah virus.-- FRJ, GMA Integrated News