Kapuso pa rin si Kuya Kim Atienza matapos siyang pumirma muli ng three-year contract sa GMA Network nitong Lunes. Ang TV host, labis ang pasasalamat.

“All I can say is I’m just honored and so humbled na kailangan niyo pa ako at this point. Ako po ay so inspired,” pahayag ni Kuya Kim.

“My stay here in GMA, I’m just having so much fun. I’m feeling so relevant and I’m feeling so used in a good way and for me to continue for this coming three years, I look forward to it the most. I know these three years will pass so fast again like the past three years, and we shall be sitting in this desk again and I will be signing another three-year contract again,” patuloy niya.

Present sa contract signing sina GMA Network President and Chief Executive Officer Gilberto R. Duavit Jr.; GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes; GMA Public Affairs First Vice President Nessa Valdellon; GMA Integrated News Vice President and Deputy Head for News Programs and Specials Michelle Seva; Consultant for GMA Entertainment Group Darling De Jesus-Bordegon; at manager ni Kuya Kim na si Noel Ferrer.

 

(Courtesy: Jade Veronique Yap/GMA Integrated News)

Inihayag naman ni Duavit ang kasiyahan at pasasalamat sa patuloy na pagtitiwala ng TV host sa network.

“Malaking bagay sa amin at ikinakasaya namin ang lagdaan natin ngayon, bagama’t ito’y for formality na lamang, kasi sa napakaikling panahon, naging Kapusong puro si Kim,” ayon kay Duavit.

“Kim, again, thank you very much, and we look forward to many more years together,” dagdag pa niya.

Umabot na ng dalawang dekada ang pananatili ni Kuya Kim sa industriya na kilala sa kaniyang mga trivia shows sa TV at radio.

Kabilang sa mga naging programa na ni Kuya Kim sa GMA ang talk show na “Mars Pa More” at news magazine show na “Dapat Alam Mo!” sa GTV.

Bahagi si Kuya Kim ngayon ng “24 Oras” para sa kaniyang segment “Kuya Kim Ano Na?" Bukod pa sa noontime variety game show na “TiktoClock," at ang bagong infotainment program na "Dami Mong Alam, Kuya Kim." — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News