Isinampa na sa Kamara de Representantes ng iba't ibang grupo ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na may kasamang pag-endorso ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.
Dinala nitong Lunes sa Secretary General’s Office ng Kamara ang impeachment complaint na inihain ng mga kinatawan ng civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives, at pamilya ng biktima ng extrajudicial killings.
Nagsilbing mga complainant sa reklamo sina Teresita Quintos Deles, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Robert Reyes, Randy Delos Santos (tiyuhin ng Tokhang victim na si Kian Delos Santos), Francis Aquino Dee, Leah Navarro, Sylvia Estrada Claudio, Alicia Murphy, Sr. Mary Grace De Guzman, at dating Magdalo Rep. Gary Alejano, at iba pa.
Kasama nila si dating Senador Leila De Lima na nominee ng partylist group na Mamamayang Liberal, at magsisilbing tagapagsalita ng grupo.
Sa ambush interview, sinabi ni Cendaña na naging basehan ng impeachment complaint laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violations of the Constitution, at iba pang krimen.
“Today, I formally endorse the first-ever and historic impeachment complaint filed by our citizens against Vice President Sara Duterte. This moment marks a critical juncture in our nation's demand for accountability,” ayon sa kongresista.
“I stand in full support of the brave citizens calling for Duterte to answer for her blatant violations of the Constitution, egregious corruption, and complicity in mass murder,” dagdag niya
Sinabi ni Cendaña, na dapat matanggal sa puwesto si Duterte dahil sa pag-aabuso niya sa kaniyang kapangyarihan at pandarambong sa kaban ng bayan.
Idinagdag pa niya na hindi na dapat hayaan na magpatuloy ang "legacy of corruption and mass murder " ng pamilya Duterte nang hindi sinusubok.
“The entrenched culture of impunity and graft will only be dismantled when those who perpetuate and profit from it are held to account. This impeachment complaint is but a first step. It must inspire and pave the way for further efforts to bring the Dutertes and their allies before the altar of justice,” giit ng kongresista.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang Office of the Vice President.
Inihain ang impeachment complaint ilang araw matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tutol siyang ipa-impeach si Duterte dahil magsasayang lang ng oras at hindi ito makatutulong sa mga tao.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na mayroon na siyang kinausap para ipapatay sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez, kapag may masamang nangyari sa kaniya.
Iniimbestigahan ng komite sa Kamara kung papaano ginastos ni Duterte sa kaniyang confidential funds. -- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News