Patay ang isang pulis matapos siyang pagbabarilin sa parking area ng isang mall sa Cotabato City. Ang biktima, tumakbo pa upang mailayo ang mga salarin sa kaniyang pamilya na kasama niya nang mangyari ang krimen.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang pagpatay kay Master Sergeant John Manuel Bongcawil, nitong Linggo ng gabi.
Nakatalaga si Bongcawil sa Provincial Intelligence Unit ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pasakay na ng sasakyan si Bongcawil kasama ang kaniyang pamilya nang pagbabarilin siya ng mga salarin.
Tumakbo umano palayo ng sasakyan ang biktima upang hindi madamay ang kaniyang pamilya.
Nagtamo ang pulis ng mga tama ng bala sa ulo, leeg at dibdib, at hindi na umabot nang buhay sa ospital.
“Base sa SOCO, may blood stain sa loob [ng sasakyan]. Possible nakasakay na talaga siya or pasakay pa lang. However, siguro sa volume of fire, ang naging instinct nga niya is makalayo doon sa sasakyan kasi nandun yung family niya-- ang kanyang anak, asawa, kapatid, at saka yung mama niya,” ayon kay Cotabato City Police Office Chief, Colonel Michael John Mangahis.
Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ang pagpatay sa biktima. Mayroon na umano silang dalawang persons of interest.
“Nagko-conduct kami ng follow up operation kagabi pero need namin ng deeper investigation kasi base sa nature ng trabaho niya, talagang malalim po ito kasi intel po ito,” sabi ni Mangahis.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang pulisya sa pamilya ng biktima.
Iimbestigahan din ng mga pulisya ang pinaiiral na security measures sa mall.
“Parte ng aming magiging investigation at saka mga action taken nila. Dapat kung may scenario, anong dapat nilang gawin, i-che-check namin kung anong kahandaan din nila,” dagdag ni Mangahis.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, at ang pamunuan ng mall.--FRJ, GMA Integrated News