Nasawi ang isang 29-anyos na lalaki matapos saksakin ng screwdriver sa dibdib sa Barangay Teachers Village West, Quezon City.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Hindi na nabawi ang screwdriver na ginamit sa krimen.
Nakuhanan pa sa CCTV camera ang komosyon sa pagitan ng dalawang grupo ng mga lalaki hanggang sa humandusay na ang biktima.
Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang biktima at kanyang mga kaibigan sa bahay niya nang magdesisyon silang umalis para bumili pa ng alak.
“Nung nasa store na sila, mayroong mga lumapit sa kanila. Nagkaroon ng medyo pagtatalo, nagkainitan hanggang sa nauwi sa saksakan,” ani Police Captain Febie Madrid, ang tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD).
Naaresto sa follow up operation ng pulisya ang 15-anyos na lalaking nanaksak.
Dahil menor de edad, itinurn-over siya sa Social Services Development Department.
Inaresto rin ang kasabwat na 19-anyos na kapitbahay ng biktima habang tinutugis ang isa pang suspek.
“Nagulat na lang po ako bigla na lang po ako nilusob mga lasing po silang lahat at hindi ko na po alam nangyari noon bigla na lang bumaba yung bata,” ani 19-anyos na suspek na nakakulong ngayon sa tanggapan ng Crimininal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal.
Dating alitan ang isa sa tinitingnan motibo sa krimen lalo pa’t pinagbintangan umano ng biktima ang suspek na nagnakaw ng bisikleta.
Ito na rin daw ang ikalawang beses na nagpang-abot ang dalawa.
Sinampahan na ng reklamong murder ang mga suspek.—LDF, GMA Integrated News