Makalipas ang tatlong taon, naaresto na ang suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Barangay 198, Tondo, Maynila.

Batay sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inihain ang warrant of arrest sa 29-anyos na suspek habang nakikipagkwentuhan sa kaibigan sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa pulis, nakikipag-inuman noon ang biktima nang bigla siyang saksakin ng suspek. Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit binawian rin ng buhay kalaunan. 

“Habang sila ay nag-iinuman, itong akusado ay nilapitan ang biktima at pinagsasaksak nang maraming beses at agarang tumakas. Doon sa death certificate, ang nakalagay na lang is multiple stab wounds sa iba’t ibang parte ng katawan,” pahayag ni Police Captain William Toledo, Sampaloc Police Station Investigation Section chief.

Isa raw sa posibleng pinag-ugatan ng krimen ang atraso umano ng biktima sa pamangkin ng suspek. 

“Iyong biktima may nagawa doon sa anak ng kapatid ng akusado. Iyon po iyong isa sa tinitingnan natin na baka pinagplanuhan or kung ‘di naman, siguro ‘yung urge ng isang tiyuhin na naagrabyado ‘yung isang pamangkin,”dagdag ni Toledo.

Iginiit ng suspek na hindi niya kilala ang biktima.

“Hindi po kami magkakilala pero no comment po talaga ako diyan. Pasensya na po kayo,” aniya.—AOL, GMA Integrated News