Sa edad nilang tatlong-taong-gulang, maituturing “wiz kids” ang dalawang bata sa Bulacan dahil kabisado na nila ang periodic table of elements, watawat ng mga bansa, at mga presidente ng Pilipinas.
Sa programang “Dapat Alam Mo!,” kumasa sa mga challenge sina Cid ng Marilao, at Jiara ng San Jose Del Monte.
Si Cid, alam na ang kaniyang pangarap paglaki at marunong na ring bumigkas ng mga tula at declamation piece.
Kabisado rin ni Cid ang watawat ng mga bansa, at maging ang mga planeta.
Habang si Jiara naman, kilala na ang mga presidente ng Pilipinas.
Sisiw din kay Jiara ang pangalan ng mga element at mga probinsya sa Pilipinas sa bawat rehiyon.
Maikukumpara na sa mga itinuturo sa elementarya ang mga kabisado nina Cid at Jiara.
“‘Yung learning kasi sa kaniya ‘yun ang way of playing niya. In the future kung talagang advanced talaga siya, so be it,” sabi ni Cielo Villareal, ina ni Cid.
“Gusto ko lang po mag-enjoy muna siya sa kung ano ang angkop sa edad niya, maglaro lang po muna siya. Pero kung gustuhin po talaga niya ‘yung ganiyan, okay lang din naman po, support lang po,” sabi ni Genieva Escalanda, ina ni Jiara.
Panoorin sa video ng “Dapat Alam Mo!” ang pambihirang talas ng isipan nina Cid at Jiara sa pagkasa nila sa mga challenge. -- FRJ, GMA Integrated News