Timbog ang isang retiradong miyembro ng Philippine Marines matapos magwala at manutok pa umano ng baril sa motoristang naharangan niya at walang tigil ang busina sa kaniya sa Taguig City.
Sa ulat ni Raffy Tima sa "24 Oras" nitong Martes, mapanonood sa isang video ang suspek na galit na galit at nagwawala sa Colonel Bravo Street, Barangay Central Signal, gabi noong Disyembre 1.
Tinutukan ng lalaki ng baril ang may hawak ng cellphone, na halatang ikinagulat nito.
Samantala, pinipilit awatin ng kaniyang kasama ang suspek, na nakasuot ng orange na damit. Sa isang punto, nasigawan pa ng suspek ang kaniyang kasama.
Bumuwelta pa ang suspek kahit naawat na ito. Ang kaniya namang kasamahan, tila nanuya pa sa nakaaway.
Nadakip ang suspek ng Taguig Police sa isinagawang follow-up operation. Nakuha sa kaniya ang isang .45 na baril na may pitong bala.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na away-kalsada ang pinagmulan ng insidente nang maharangan ng suspek ang sasakyan ng biktima.
Walang tigil sa pagbusina ang biktima, kaya nairita ang suspek na humantong sa sigawan hanggang sa manutok na siya.
Nakapaghain na ng reklamo ang Taguig City Police Station ng grave threats at illegal possession of firearms laban sa suspek.
Nakabilanggo ngayon sa Taguig Police Station ang suspek, na tumangging magsalita nang makapanayam ng GMA Integrated News.
"No comment po ako riyan sir. Hindi po ako magsasalita, sa court na lang po," sabi ng suspek, na hindi rin nagkomento sa nakumpiskang baril na nakarehistro umano sa ibang tao.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News