Naging viral sa social media ang video na makikita ang ilang guest na nanira umano ng mga gamit at binaboy ang tinuluyan nilang resort sa Laguna. Kung hindi magkakaroon ng aregluhan sa ganitong mga insidente, anong kaso ang maaaring kaharapin ng mga nanira ng gamit ng iba?

Sa segment na Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na kung hindi magkaka-aregluhan, posibleng maharap ang mga guest sa kasong malicious mischief sa ilalim ng Article 327 hanggang 329 ng Revised Penal Code.

Sa naturang batas, pinaparusahan nito ang lahat ng mga naninira ng pagmamay-ari ng ibang tao nang walang dahilan.

“Whether nang-iinis o naiinis sa kapitbahay o wala lang magawang matino under the influence, malamang sakop ito ng malicious mischief,” ani Atty. Gaby.

Kung may kasamang panununog ang ginawa ng isang tao, halimbawa sa bahay ng kapitbahay na matagal na niyang kinaiinisan, mahaharap siya sa arson na may mas matinding penalty.

Dahil nauwi sa aregluhan ang kampo ng mga guest at resort owner sa Laguna, sinabi ni Atty. Gaby na dapat kasama sa babayaran ang civil liability para sa danyos o damages na makukuha ng may-ari ng resort kung natuloy ang kaso.

May tinatawag din umano na extrajudicial compromise agreement o areglo para hindi na umabot sa korte ang nangyari.

Sa parte ng mga nanirang guest, dapat nilang bayaran ang halaga ng mga nasira nilang gamit.

Tungkol naman sa pagkatanggal ng ilang guest sa kanilang mga trabaho, sinabi ni Atty. Gaby na hindi agad ito mahuhusgahan dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Ngunit sa maaari lamang matanggal ang mga empleyado base sa “just and unauthorized causes” sa ilalim ng Labor Code.

Kabilang sa mga dahilan para matanggal sa trabaho ang serious misconduct o willfull disobedience na konektado sa trabaho ng isang empleyado; gross and habitual neglect of duties; panloloko o fraud o willful breach of trust; paggawa ng krimen laban sa employer o pamilya nito, at iba pang similar causes.
Panoorin sa video ang buong talakayan.-- FRJ, GMA Integrated News